Kung isa kang adventurer o weekend warrior at naghahanap ng magandang pasyalang swak sa iyong budget, ika nga ng mga Bulakenyo, mayroong “20 ways to visit Bulacan” at siyempre mamimili ka ng iyong mga unang pupuntahan at sure ako na iyong muling babalikan kasama ang iyong pamilya o kaya ang iyong dabarkads dahil talaga namang napakalawak at maraming magagandang mapapasyalan sa probinsya ng Bulacan na prominente bilang lalawigan ng mga bayani, magagandang dilag, masasarap na pagkain at primera-klaseng resort.
Binabalik-balikang inipit
Kung galing ka sa Metro Manila at sasakay ng bus sa Cubao terminal sa halagang P40, siyempre may diskuwentong 20 porsiyento kapag senior citizens, estudyante o disabled, at papasok ka ng expressway patungong Norte, paglabas mo pa lang ng Tabang exit sa bayan ng Guiguinto ay makikita mo agad sa kaliwang bahagi ng kalsada ang Eurobake Restaurant at Bakeshop at dito ka makabibili ng orihinal na inipit at masasarap na tinapay tulad ng ensaymadang Malolos na hitik sa keso at iba pang Bulacan sweet product na tamang-tamang pang alis-gutom habang ikaw ay namamasyal at ayos ding pasalubong.
Ang tindahang ito na pag-aari ng pamilya Ramos ay pamoso dahil sa kanilang orihinal na produktong inipit at ensaymada at talagang tinatangkilik ang kanilang gawang tinapay dahil sa mga secret ingredients at isa na dito ang labor of love.
Magsimba sa Barasoain
Pwedeng unang destinasyon mo ang makasaysayang simbahan ng Barasoain sa pusod ng siyudad ng Malolos na paboritong pasyalan ng magsing-irog at ika nga ng mga nais magpakasal sa simbahang ito “add romance at majestic church in Bulacan” dahil talaga namang historical ang simbahang ito at marami ang pumipiling dito ganapin ang kanilang pag-iisang dibdib.
Inaabangang Singkaban festival, atbp.

Siyempre, inaabangan din ng mga turista ang pagdiriwang ng Singkaban Festival, tinaguriang mother of all festival, isang week-long celebration tuwing ika-8 hanggang ika-15 ng Setyembre. Highlights ng selebrasyong ito ang kasaysayan, kultura at tradisyon ng ika-438 taon ng probinsya at dito mo masasaksihan ang napakaraming aktibidades at pagkaing Bulakenyo tulad ng mga masasarap na kakanin kabilang ang biko, kutsinta, puto, suman at sapin-sapin.
Pinakaaabangan din ng mga Bulakenyo sa isang linggong selebrasyon ang iba’t ibang exhibit tulad ng Lakan Sining, Bulacan Fancy Pigeon and Chicken Show, Parada ng Karosa, Indakan sa Kalye, Bulacan Festival Costume Expo, Pasiklaban sa Singkaban, Hari at Reyna ng Bulacan coronation night at Dangal ng Lipi Award bukod pa sa sandamakmak na bilihin at mga libreng pagkain sa mga venue ng okasyon tulad ng Kalutong Bulacan na pangungunahan ng mga kilalang chef ng bansa.
Patok na jewelry making, bag making at pastillas-making
Isasabay mo na din sa iyong gimik ang pagsilip sa Jewelry Making Demo sa Meycauayan City, tikman din ang popular na Puto sa bayan ng Marilao, Pastillas wrapper and Fruit Carving demo sa San Rafael, Buntal Hat and bag-making sa bayan ng San Ildefonso at Pastillas-making sa munisipalidad ng San Miguel.
Bonggang mga resorts

Pero bakit hindi muna natin subukang pasyalan ang isang kilalang resort sa Bulacan, ang 8 Waves Waterpark and Hotel na matatagpuan sa Ulingao, San Rafael na kung magmumula ka sa Cubao terminal ay maaaring tumagal lamang ng isang oras at kalahati at andun ka na sa halagang P70 at magiging komportable ka naman kapag mayroong kang sasakyan dahil along Doña Remedios Trinidad (DRT) Highway lamang ito at pagbaba mo ng bus o inarkilang van, sasalubong sa iyo ang sampung ektaryang resort with hotel na sinimulang itinayo noong taong 2001.
Kapag galing ka sa Metro Manila, halos 53 kilometro ang layo ng resort pero prominente ito at dinadayo ng mga foreign at local tourists dahil sa napakalawak na parking area, maayos na security personnel at walong malalaking swimming pool. Excited ang mga dumadayo sa lugar dahil ang isang higanteng pool nila ay mayroong walong higanteng waves at bubbles at marami kang puwedeng paglibangan dahil sa billiard halls, volleyball court at makabibili ka din ng souvenir items sa kanilang exclusive stores.

Kumpleto-rekado ang resort na kapag off-season rate ay puwede ka ng maligo sa halagang P200 kapag araw ng lunes hanggang Huwebes at P250 naman mula Biyernes hanggang Linggo pero mas mababa ang bayad kapag bata at senior citizen at mayroon ding long-spa cottages na 13-18 persons, bamboo huts na kayang mag-accommodate ng hanggang 45 katao bukod pa sa mga VIP cottages, apat na malalaking function rooms at function hall.
Paborito rin itong location shooting ng mga pelikulang Filipino, teleserye, morning show tulad ng Unang Hirit at maging ASAP at hataw din dito ang mga malalaking okasyon tulad ng beauty pageant. Hahanga ka din sa kanilang hotel na may standard, superior at suite bukod pa sa deluxe room, VIP at presidential suite na P3,000 hanggang P9,000 ang halaga pero tiyak namang sulit dahil sa ganda ng serbisyo at facilities.

Tumatanggap din ang 8 Waves Hotel ng reservation para sa social function tulad ng kasal, birthday, binyag, anniversaries, parties, debut, graduation at iba pang special events at open din sila sa convention, seminar o team building, meeting at conferences. Protektado sila ng 24/7 CCTV, bukod pa dito ang safety deposit box, gym, spa, private balcony, standby power generator at mayroon din sa hotel ng Pancake House, comfortable luxurious beds, hot and cold shower, telephones at elevators.
Tiyempong walang gaanong naliligo sa 8 Waves nang ating puntahan kaya damang-dama mo ang pagiging probinsya ng lugar at talagang binuksan pa nila ang waves at bubbles para ipakita sa atin na ibang-klase ang 8 Waves Waterpark and Hotel na bagama’t hindi natin nakapanayam si Engr. Florentino Villangca, ang general manager, ay maayos naman tayong tinanggap ng kanilang staff at malibot na muli ang resort na una kong napuntahan noong 2001 pero ngayon ko lang ulit nabalikan at asahan ninyong muli kong babalikan pero kailangang pag-ipunan ang budget.
Puwede rin ninyong subukang pasyalan ang Hidden Sanctuary Hotel and Resort sa Camansi Prenza 1, Marilao na mayroon ngayong 30 porsiyentong diskuwento sa entrance at hotel room rate at sinasabing “this is the place where North meets South” na halos 30 minutes lamang mula sa NLEX Balintawak.
Andiyan din ang Amana Waterpark na matatagpuan sa Barangay Bagong Barrio, Pandi at ipinagmamalaki nila ang kanilang breathtaking zipline; ang Klir Waterpark Resort sa Sitio Kabilang Bakod, Barangay Sta. Rita, Guiginto; ang Daily Bread Farm, Resort and Retreat place sa Don Claro Santos St., Barangay Bonga Mayor, Bustos at ang Villa Concepcion Wet and Wild Waves Inc. sa Barangay Masuso, Pandi.
Kaya ano pa ang hinihintay ninyo, try n’yo din ang mga nagpapaligsahan sa gandang mga resort sa Bulacan para maranasan ninyo na it’s more fun sa Bulacan.
Punta kayo sa BAKAS..na matatag puan sa bayan ng NORZAGARAY BULACAN…napaka ganda.At tikman nyo rin ang ang specialty ng bayan ng N’Garay ang crispy pata …ma papa wow kayo sa sarap!