Haharap agad sa matikas na koponan ang Team Pilipinas sa unang bugso ng 18th FIBA World Cup 2019 sa China.

Sa nilabas na schedule ng international meet, Italy ang unang magiging katunggali ng ‘Pinas sa Agosto 31 sa Foshan, China, samantalang haharap naman ang Angola laban sa fourth ranked Serbia.

Magkakaroon ng isang araw na pagitan sa bawat laban, susubukan namang makasilat ng Team Pilipinas kontra sa Serbia sa Setyembre 2, bago makatunggali ang Afrobasket champs na Angola sa Setyembre 4.

Kung si national team head coach Yeng Guiao ang tatanungin, pabor ang nasabing schedule para sa mga pambato, haharap agad sa dalawang European powerhouse.

“That’s good for us. It just means to say na ‘pag nakalaban mo ‘yung Italy, on your first game, you have to bring everything you have,” ayon kay Guiao.

“By the time we play our first game, by the time we get there, we should be ready to play 100 percent. There is no such thing as getting warmed up, getting your rhythm, getting your momentum first. It’s a one-time deal and we better be ready for that on August 31st,” wakas niya.

Tatangkain ng PH 5 na makasilat ng dalawang panalo para makasalang sa second round kung saan Top 2 teams lang ang kukunin bago mag-merge sa Group C na kinabibilangan ng Spain, Iran, Puerto Rico at Tunisia.