Bimby, welcome dumalaw kay Baby MJ!

Pia Wurtzbach
Pia Wurtzbach

KINUMPIRMA na ng Malacanañg at ng Department of Tourism na kokoronahan ni Pia Wurtzbach ang susunod na Miss Universe sa Enero 30, 2017 sa SM MoA Arena.

Nabanggit na rin na ang nangunguna sa pag-asikaso nito ang dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson.

Siya ang nangangasiwa sa paghahanap ng sponsors at marami na siyang nakuha.

Nabanggit na ring ang ilang lugar na pupuntahan ng Ms. Universe para ma-promote na rin ay ang Davao, Cebu at Ilocos specifically sa Vigan.

Nilinaw din ng DOT Secretary Wanda Corazon Teo na walang gagastusin dito ang gobyerno kaya pumayag ang Pangulong Rodrigo Duterte.

Nabanggit na rin sa press briefing kahapon na si Steve Harvey ang maghu-host pero kinontra raw ito ni Pres. Duterte.

Baka mali-mali na raw ang babanggiting winners.

Pero ang pagkakaalam namin, committed na ang Miss U kay Steve.

Ang magiging abala ngayon sa pag-asikaso nito ay ang dating Ilocos Governor Chavit Singson na nasa Amerika pa pala ngayon para ayusin ang ilan pang detalye sa Miss Universe.

Hintayin na lang daw natin ang pagbabalik niya para ma-update tayo sa ilan pang paghahanda sa malaking beauty competition.

Ang isa pang narinig naming paghahanda ay kagaya ng sa APEC na kung saan itatago na naman ang mga pulubi sa kalye para magmukhang malinis at magandang tingnan ang bawat kalyeng nadadaanan.

***

Bimby-Yap
Bimby-Yap

Ipinarating na pala ni James Yap sa ilang interviews ang mensahe niya kay Bimby Yap na welcome ito sa kanila kung gusto niyang dalawin ang kapatid niyang si Baby Michael James.

Nakausap namin si James Yap sa radio program na­ming Showbiz Talk Ganern sa DZRH.

Masaya niyang kinuwentong nag-e-enjoy siya sa pag-aalaga kay Baby MJ nila ni Michela.
Wala silang yaya at sila mismo ni Michela ang mag-aalaga sa baby.

“Nag-e-enjoy ako, lalo na si Mic kasi nasusu­baybayan niya talaga ang pag­laki ng baby namin,” pahayag ng kilalang basketbolista.

Na-experience niya iyon noong isinilang si Bimby pero iba raw ngayon dahil wala silang yaya at lahat ng gawain sa pag-alaga ng baby ay sila mismo ang gumagawa.

Sana raw ay makita na ni Bimby ang kapatid nito.

Wala pa raw siyang natatanggap na mensahe mula kina Kris kung papupuntahin ba niya si Bimby.

Matagal na raw silang hindi nagkita o nagkausap ni Bimby kaya sana, magkaroon na ng pagkakataong makita ang kanyang kapatid.

Sa ngayon ay ayaw pa raw munang ipakita ni Michela ang picture ng kanilang baby.

Kung kay James ay okay lang, pero si Michela ang magde-decide kung okay na niyang ipakita ang baby.

Pero proud na proud ang kilalang cager sa kanyang anak. Mukhang Italiano raw talaga dahil kuhang-kuha nito ang itsura ni Michela.

***

Napangiti ang Kapamilya young actress na si Devon Seron nang napag-usapan ang dating leading man niyang si James Reid.

Nagkasama sila dati sa Good Vibes at sa ser­yeng Angelito, ang Batang Ama.

Pagkatapos nu’n ay nawala na si James.

Ngayon ay sikat na sikat na ang Kapamilya young actor at masaya raw siya para sa dating ka-loveteam.

“Happy po talaga ako for him sa lahat na dumarating sa kanya. Lahat naman po ng tao, may kanya-kanyang timing naman po talaga, eh,” pahayag ni Devon.

Natutuwa siya para kay James dahil hindi raw ito nagbago.

Nagkita sila minsan sa isang guesting sa It’s Showtime at wala pa rin daw pagbabago si James.

Natutuwa raw siya dahil kahit sikat na sikat na ito, ganun pa rin daw ito at hindi raw niya nakitaan ng kayabangan.

Matagal bago nakasagot si Devon nang tinanong namin kung pi­normahan din ba siya noon ni James.

Sabi lang niya, “Bata pa po kasi ako nu’n, 16 pa lang ako nu’n.

“Hindi ko naman po alam ‘yun

“Basta friends po naman kami eh.”

Si Devon ang susunod na bibigyan ng break ng Regal Films. Isa siya sa bida sa gagawing horror movie ng Regal na pinamagatang Puwera Usog.