Aminin natin, totoo naman talaga na may bentahe sa riding public ang operasyon ng Grab. ‘Yung kape mong mainit, hindi maglalaho ang sarap dahil ilang minuto lang at nasa harap mo na ang sasakyang maghahatid sa iyong paroroonan.
Pero anong nangyari Grab Philippines? Ina­abot na ng trauma ang mga pasahero. Nakakatakot daw at baka sila naman ang paglamayan pag minalas sila at natapat sa palpak na driver-partner ninyo.
Bungi ba ang listahan ng inyong mga patakaran at mga hari ng sablay ang inyong mga driver-partner?
Kulang ba kayo sa pangil at kundi kaskasero ay walang modo ang inyong mga driver-partner?
Buhay na patay ang kawawang si Marko de Guzman. Ang sabi ng doctor, mabuhay man ito ay hindi na rin siya makakakilos ng normal.
Wala ng makikilala kaht sarili pa niyang pamilya. Ang ga-kamaong laki ng utak kasi nito ay nasira at natapon sa aksidente. At ‘yan ay dahil lang sa inaantok na driver ng Grab na sa halip na matulog na lang ay isinugal pa ang kaligtasan niya at ng kanyang pasahero.
Kamakailan lang, isang kasamahan sa propesyon ang nakausap ko. Kahit pala siya ay naging biktima ng driver ng Grab Philippines.
Senior citizen si Kuya kaya dapat lang na ma-enjoy niya ang 20 percent discount sa pasahe ayon sa itinatakda ng Republic Act No. 9994 o ang Expanded Senior Citizen Act of 2010.
Ginawa raw niya lahat para ma-avail ang 20 % . Nag-register siya online at kinilala raw ng Grab ang kanyang registration noong Ene­ro 3, 2018. Pina-click din daw sa kanya ang promo icon ng Grab app sa kanyang mobile phone para siguradong pasok siya.
Noong Agosto, nawala raw ang promo icon kaya hindi niya ma-avail ang discoun­ted fare.
Nalaman na lang niya na kinansela ng Grab ang kanyang accreditation ng hindi man lang siya sinabihan.
Sabi, nag-expire raw ang kanyang SC account noong Enero 1, 2018.
Eh kilan pa raw ba nag-expire ang discount benefits ng mga tanders? Lokohan ba ito? Panlalamang?
Ano ba ang nangyayari sa Public Attorney’s Office (PAO) at pinabulaanan ng certified forensic pathologist ang kanilang pag-awtopsiya sa umano’y mga biktima ng Dengvaxia.
Nagkagulo sa Kongreso sa pagdinig noong isang araw nang mag-react si PAO Chief Persida Acosta dahil kinontra ni Dr. Raymund Lo ang findings nila.
Si Dr. Lo ay mula sa Philippine Children’s Medical Center (PCMC) at nagsilbing resource person sa hearing sa Kongreso.
Nagpakita ng isang Powerpoint presentation si Dr. Lo at ipinunto niya isa-isa kung saan nagkamali ang PAO sa kanilang awtopsiya.
Nakakalungkot lang na pati ang mga kawawang biktima ay nadamay sa isyung ito.
Malaki po ang respeto ko sa PAO pero parang sablay sila sa pagkakataong ito. Sa paghahanap natin sa katotohanan, dapat lang na pakinggan natin ang lahat ng panig.
Sa buong presentation, nagkomento rin si Dr. Lo sa bawat kahinaan ng PAO sa ginawa nitong awtopsiya sa mga biktima.
Ayon pa kay Dr. Lo, malaking pagkakamali at malinaw na paglabag sa pinangakuan ng mga doctor na “Oath as Medical Practitioner to do no harm” ang maglabas ng mali at walang basehang finding­s na magdudulot ng kalituhan sa publiko.
Ang sakit na dengue ang kalaban natin dito. Napakalaki ng paglobo ng dengue sa ating bansa dahil ‘yung solusyon sana ay napolitika pa.
Kawawa ang mga biktima na nagagamit. Sana ay matigil na ang pamumulitika sa isyu ng Dengvaxia.