Unti-unti nang inilalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hawak nitong final at third narco-list.

Paisa-isa ay binabanggit ni Pangulong Duterte sa magkakahiwalay na okasyon ang pangalan ng mga nasa kanyang kontrobersiyal na drug matrix.

Sa katunayan isang judge na inambus sa Agusan del Sur ang kanyang pinangalanan sa katauhan ni Judge Hector Salise. Sangkot daw ang huwes sa case fixing sa mga kasong may kaugnayan sa iligal na droga.

Bukod sa judge ay marami pa raw mga pulis, kapitan ng barangay, mayor, gobernador at dalawang kongresista ang nilalaman ng kanyang final narco-list.

Sa totoo lang hindi na nagiging kapana-panabik ang ilalabas na narco-­list ng Pangulo dahil sa nangyaring salto sa pagkakadamay kina Pangasinan Rep. Amado Espino, Provincial administrator Rafael Baraan­ at provincial board member Raul Sison at sa naunang pagkakasama sa listahan ng isang huwes na kung ilang taon na palang patay.

Ang sa amin, kung talagang may sapat­ na ebidensyang magdidikdik sa mga nasa drug matrix ng Pangulo ay kasuhan na ­lamang ang mga ito.

Itigil na sana ang nangyayaring tria­l by publicity upang hindi na maulit pa ang mga kapalpakanang nangyari sa mga naunang inilabas na narco-list.

Ipaubaya na dapat ng Pangulo sa korte ang kasong ito upang walang nangyayaring salto at ang tunay na mga sangkot sa kalakaran ng iligal na droga ang mapanagot.

Hindi kasi tamang inuuna ang pagpapakalat ng mga pangalang sangkot hangga’t wala pang matibay na ebidensiya o kasong inihaharap sa mga ito dahil hindi malayong magresulta ito ng hindi pagiging patas ng ating hustisya lalo na’t mismong ang Pangulo ang nagsasangkot sa mga personalidad sa operasyon ng iligal na droga sa bansa.