Itinumba habang tulog

Isa na namang tulak ng ipinagbabawal na gamot na ginawang drug den ang sariling bahay ang napatay matapos na pasukin sa loob ng silid nito ng isang hindi pa nakikilalang salarin at walang habas na pagbabarilin habang natutulog sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ng Caloocan City Police – Station Investigation Division Management Branch (SIDMB) alas-2:30 ng madaling-araw nang ma­ganap ang insidente sa loob mismo ng bahay ng biktimang si Danilo Buenafe, 49-anyos, walang hanap-buhay ng NPC Area-C, Interville, Brgy. 164, Bagbaguin ng nasabing lungsod.

Mahimbing umanong natutulog mag-isa ang biktima nang puwersa­hang pasukin ng isang hindi pa nakikilalang lalaki na armado ng hindi pa nalalamang kalibre ng baril at walang habas na pinagbabaril sa ulo at dibdib.

Matapos na masiguradong wala nang buhay ang biktima ay agad ding tumakas ang suspek at bagama’t madaling-araw na noon ay may ilang mga residente sa lugar ang nasa labas pa ng kanilang bahay ngunit walang ni-isa ang gustong tumestigo sa nangyari o magsabi man lamang ng itsura ng salarin.

Napag-alaman namang mula sa himpilan ng kanilang barangay na kilala umanong tulak ng iligal na droga ang biktima at ginagamit din umano nito mismo ang kanyang sariling pamamahay na drug den.