Ito ang taon para manalo na ng Olympic gold medal

Hindi lang mga opis­yal natin sa sports, coach, at athlete, kundi isama ninyo na rin ako na magsasabi na ngayong taon ang pinamalakas o maganda nating tsansa para matighaw na ang may 95 taon nating tagtu­yot sa medalyang ginto sa Summer Olympic Games.

Nasa ikawalong edisyon pa lang ang quadrennial sportsfest nang unang bumahagi ang ‘Pinas o mga Pinoy noong 1924 sa Paris, France. At para sa ngayong taon, nasa ika-32 edisyon na ang SOG sa Tokyo, Japan sa dara­ting na Hulyo 24-Agosto 9.

Bakit ko po ba nasabi na ito ang taon ni Juan dela Cruz para makara­ting na rin sa rurok ng tagumpay?

Puwes, binase ko lang po ang pa­ngitain ko sa mga resulta ng mga huling 18th Asian Games 2018 sa Indonesia at sa 30th Southeast Asian Games 2019 sa ating bansa nitong Disyembre.

Parehong kapuri-puri ang dalawang pinakita natin sa mga nabanggit na paligsahan.

Ang sa 2018 Asiad ang pinakamataas na nakamit natin sa huling tatlong pagsasagawa nito sa likod ng 4 gold, 2 silver at 15 bronze medals para pumang-19 sa 45 kalahok na mga bansa.

Nakamit naman natin ang overall championship ng 2019 SEA Games, ang ikalawa ng mga Noypi tapos noong 2005 nang ang bansa rin ang mag-host ng 11-nation biennial sports meet.

May mga world class tayong atleta sa taong ito na isa man sa kanila ay maaaring pumatid sa pagkauhaw natin sa medalyang ginto sa Olympics.

Nariyan sina Summer Universiade/Asian Athletics Championships gold medalist pole vaulter Ernest John Obiena, world artistic gymnast (floor exercise) gold winner Carlos Edriel Yulo, weightlifting Olympics silver at world bronze medalist Hidiliyn Diaz, world boxing champion Nesthy Petecio, skateboarder Margielyn Didal at iba pa.

Sina Obiena at Yulo pa ang mga qualified na sa Tokyo Olympics. Pero halos paroon na rin sina Diaz, Petecio at Didal.

Kaya ipanalangin po natin na huwag namang tuluyang kanselahin ng International Olympic Committee at ng Tokyo Summer Olympic Games Organizing Committee ang nalalapit na palaro. Kundi iurong lang ng petsa sa harap ng novel coronavirus outbreak.

At sana ipahintulot ng Itaas na may matuklasan nang gamot sa virus na buhat sa Wuhan, China bukod pa sa tuluyang masupil na rin ito para siguradong matuloy ang Olympics.
Amen.