ITTF prexy sinusuka sa muling pagtakbo

Lumitaw ang pagkakahati sa International Table Tennis Federation (ITTF) matapos na dalawang senior official ang nanawagan kahapon sa para sa eleksiyon ng bagong pangulo sa 2021.

Ang dalawang most senior officials sa international federation ang nagsimula ng kampanya na magkaroon ng oposisyon kontra kay ITTF president Thomas Weikert ng Germany para sa 2021 federation polls.

Sa pinag-isa nilang mga pahayag, siniwalat nina ITTF Deputy President Khalil Al-Mohannadi ng Qatar at Executive Vice President of Finance Petra Sorling ng Sweden, ang ilang kritikal na isyu laban kay Weikert at sa liderato kasabay sa panawagang hindi na dapat ito mag-reelection sa susunod na taon.

“A new direction for the ITTF membership under the leadership of a new President,” giit sa sulat nina Mohannadi at Sorling na ipinakalat sa mga miyembro ng ITTF sa pamamagitan ng Swedish Table Tennis Association (STTA).

Inihayag ni Weikert noong Pebrero na nais niyang makamit ang ikalawang sunod na apat na taong termino bilang lider ng worldwide governing sport body, taliwas sa unang pahayag na uupo lang ng isang term.

Hindi naman nagpahayag sina Al-Mohannadi at Sorling kung nais nilang tumakbo bilang president sa 2021.

Dinagdag pa ng Swede official Sorling na marami pa siyang mga kabulukang ihahayag pagkatapos lang ng coronavirus pandemic. (Lito Oredo)