Ivana takot bumigay kay DJ Loonyo

NI: RONA RONDA

Natatakot ang actress-vlogger na si Ivana Alawi na muling sumugal sa pag-ibig. ‘Yan ang isa sa naging topic sa latest vlog niya sa kanyang Youtube channel.

Marami ang kinikilig sa kanila ng dancer na si DJ Loonyo kaya’t curious ang lahat sa estado ng relasyon nila. Lalo na at nag-throwback kamakailan si Ivana ng conversation nila ni Loonyo noon pang 2015.

Iniisip tuloy ng mga netizen kung lumelevel-up na ba ang dalawa na nagsimula lamang sa boyfriend prank. Para kay Ivana, mabait at nakaka-inspire na tao si Loonyo. Pero nilinaw niya na mas matindi ang pag-iingat niya sa puso niyang nasaktan sa nakaraang nakarelasyon.

Aniya, “Sobrang maingat ako ngayon sa puso ko, so hindi siya porke’t kinikilig ako nang kaunti, ibibigay ko na agad ang puso ko. I think process siya.”

Matapos kasi niyang ma-broken ay ipinangako niya sa sarili na hindi agad siya bibigay.

Sey ng aktres, “Oo, kikiligin ako. Oo, magiging open pa rin ako sa mga manliligaw, pero hindi ko agad ibibigay buong puso ko.”

Gayunpaman, bukas siya mga manliligaw pero dadaan daw sila sa butas ng karayom lalo na’t nanggaling siya sa pagkawasak.