Ibinunyag ni Albay Congressman Joey Salceda na mayroong tig-P100 milyon ang mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso mula sa P4.1 trillion 2020 national budget.
Pero maagap na nilinaw ni Salceda sa economic briefing sa Malacañang na hindi ito pork barrel kundi para sa mga infrastructure project sa bawat distrito.
Batay sa desisyon ng Supreme Court (SC) noong 2013, idineklarang unconstitutional ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o mas kilala sa tawag na pork barrel ng mga mambabatas.
Ang P30 milyon mula sa P100 milyon ay ilalaan diumano sa mga soft project ng mga kongresista katulad ng medical assistance.
“75, 100… ang alam ko po diyan, to ensure na everybody has some minimum, 100 yes. But that’s basically 70 million ng infrastructure and they were itemized in the NEP (National Expenditure Program). Well, there is no such thing as non-itemized expenditure,” pagpapaliwanag pa ni Salceda.
Sinabi ni Salceda na ang P100 milyon ay tinukoy ng executive branch.
“It’s free of pork based on Supreme Court standards,” giit pa ni Salceda sa panayam sa kanya ng mga reporter dahil wala umanong individual amendments o alignments na ginawa sa panukalang budget hindi katulad ng nangyari noong 2018 national budget.
Kasabay nito tiniyak ng kongresista na maaaprubahan ang panukalang 2020 national budget sa Setyembre 20.
Ito aniya ang national budget na pinakamabilis na maaprubahan sa kasaysayan ng Kongreso.
“So the 2020 budget, I’m sure will be approved by September 20. The earliest approved budget at the House in history. So it is—since nakuha namin po iyon August 20, matatapos po kami sa House, September 20; so why September 20, because we got it on August 20. This is in history for those of you who have covered Congress, this will be the earliest,” dagdag pa ni Salceda.
Sana lang aniya ay ganito rin ang gagawin ng ‘Duterte Super Coalition’ sa Senado.
Binubuo ng 299 mambabatas ang Kamara, kasama na rito ang kinatawan ng mga party-list. (Aileen Taliping/PNA)