Sang-ayon tayo sa ilang repormang ipinatutupad ngayon ng ilang istasyon ng pulisya para maayos ang imahe ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP).
Napag-alaman kay Quezon City Police District (QCPD) Director Chief Supt. Guillermo Eleazar na tuluy-tuloy ang prosesong kanyang ipinatutupad upang makamit ang kanilang inaasam na pagbabago
na ang pang layon ay mapatino ang kanilang hanay.
Ang tuluy-tuloy na reporma ang isa sa mga sinasandigang prinsipyo ni QCPD Director, Chief Superintendent Guillermo Eleazar kaya naman patuloy din ang “innovation” na kanyang isinusulong sa hanay ng pulisya.
Bagamat mabusisi ang mga programang pinangunahan ni General Eleazar ay batid niya na ito ay mahalagang bahagi ng pagsusulong ng reporma sa hanay ng pulisya.
Ilan sa ipinagmamalaking repormang ipinatutupad ng QCPD ay ang pagpapasailalim sa neuro-psychiatric test sa may 300 pulis na bahagi ng anti-drug unit ng QCPD.
Ang good news sa neuro-psychiatric test ay sasakop na rin ito kalaunan sa buong hanay ng pulisya sa Quezon City dahil binigyang-prayoridad muna ang mga nasa operasyon kontra droga.
Para sa pinuno ng QCPD sa pamamagitan ng ganitong sistema ang baril na isyu ng gobyerno at ang pagganap sa mandato ng pulisya ay mapupunta sa mga tamang kamay.
Kasama rin sa programang ipinatupad ng QCPD ay ang “Oplan Bakal” kung saan ang mga pulis ay papasok sa mga bar upang alamin kung may nagdadala ng baril o mga deadly weapon.
Hindi basta-basta ang ipinatutupad na panununtunan sa “Oplan Bakal” upang walang pag-abusong mangyari.
Sa ilalim ng bagong panuntunan dapat gawin ang pagsipat nang nakabukas ang ilaw at plain-view lamang ang pagsipat.
Hindi rin obligado ang pagkapkap sa mga bar-goer, bagamat maari silang pakiusapan ng mga pulis sa magalang na paraan, pero kung tatanggi ang bar-goer, dapat itong irespeto ng pulis.
Sabagay, tama naman si Director Eleazar pumapasok sa pub o bar ang isang tao upang uminom ng alak at magsaya o kaya’y makalimot ng problema.Tiyak may malalasing at pag nabad-trip at nagwala ang isang customer ay masyado na itong delikado sa iba pang customer lalo na kung may dalang deadly weapon.
Sa madaling salita, sa halip na katakutan ang “Oplan Bakal,” ito pa nga ay maituturing na “deterrent” sa krimen.
Isa pang mahalagang programa na pasisimulan ng QCPD ay ang paggamit ng body camera na mukhang ipatutupad na sa iba pang kapulisan.
Ang QCPD sa tulung ng QC local government ay magkakaroon ng 800 body camera na magagamit sa pagdokumento ng kanilang mga operasyon.
There’s more pa dahil magdaragdag pa ang Quezon City local government ng mga closed-circuit television (CCTV) sa mga pangunahing lugar sa lungsod.
Ang mga panibagong galaw at serbisyong ito ni General Eleazar at QCPD ay patunay na tuloy ang pagbabago ng kultura sa QCPD.