May suhestyon itong si Presidential Spokesperson Salvador Panelo para mabawasan daw ang traffic sa EDSA. At ito’y iikot sa 24 oras na serbisyo at aktibidad.

Sa ideya ni Panelo, gagawing 24 oras ang serbisyo o working hours sa gobyerno para mahati ang bulto ng taong bumibiyahe sa araw.

Mula government offices, eskuwelahan, bangko, mga opisina magkakaroon ng panggabi at pang-araw sa paniniwalang hindi lalabas ng bahay at matutulog lamang sa araw ang mga panggabi? Kumbaga naiisip ni Panelo na mababawasan ang sasakyan sa EDSA kung ang ibang tao ay gabi na lamang bibiyahe.

Medyo parang suntok sa buwan pero wala namang masama kung pag-aaralan, pagagandahin at kung makikitaan ng potensyal ay bibigyan ng pagkakataong maipatupad.

Bago natin barilin at patayin ang isang ideya, alamin natin kung ito’y may ibubuga dahil anong malay natin, sa mga tila walang kuwentang suhestyon pala tayo makakakita ng tunay na solusyon. Alang-alang sa ikareresolba ng matinding problema sa trapik, welcome na welcome lahat ng ideya kaya anong hinihintay natin, isip-isip na rin tayo!

***

May mga pagkakataong naaabuso ng ilang mamamahayag ang prinsipyo ng kalayaan sa pamamahayag. Nakakalimutan na natin na bahagi ng mala­yang pamamahayag ang pagbibigay ng katotohanan nang walang labis, walang kulang, pagiging parehas sa lahat ng pagkakataon at walang kinikilingang pagbabalita, huma­nity na nagpapaalalang hindi tayo dapat nag-uulat para sadyaing sirain at wasakin ang reputasyon ng sinuman kundi para ilahad lamang ang katotohanan nang walang halong malisya at accountabi­lity na nagpapaalalang kung makagawa tayo ng kamalian ay dapat natin itong itama.

Bahagi ng ating res­ponsibilidad na kunin muna ang kabilang panig para mabigyan ito ng pagkakataong magpaliwanag. At ito ang madalas nakakaligtaan ng ilan.

Nakakalungkot din na ang pagiging bete­rano ng isang mamamahayag ay tila ginagawa na ring lisensya para balewalain ang mga prinsipyong ito.

Sa isyung ibinabato ngayon sa ating kasamahang mamamahayag na si Ramon Tulfo, marahil ay dapat maalala ang mga prinsipyong ito ng pamamahayag.

Marahil ay sasabihin ng ilan na very basic ito, back to school ang peg pero paalala lamang din na baka sa masyado na­ting pagiging kampante dahil deka-dekada na tayong mamamahayag ay nakalimutan na natin kung paano nga ba maging isang parehas, walang kinikilingan, walang kinakampihang mamamahayag. Ang sa amin ay paalala lamang!