julius-segovia

Pinag-iingat ng Department of Health ang publiko sa mga sakit na puwedeng makuha ngayong wet season kung kailan malamig ang panahon at laging may baha sa kalsada.

Para madaling maalala — tandaan lang ang acronym na WILD.

Water-borne diseases. Dahil hindi maiiwasan ang mataas na baha, maaari umanong ma-contaminate ang tubig o pagkaing inihahanda, na posibleng magdulot ng cholera at typhoid fever.

Ilan sa sintomas ng cholera ang pagdudumi, pagsusuka at dehydration. Ugaliing pakuluan ang tubig bago inumin lalo na kung galing lang sa deep well o faucet. Mas mainam kung bibili ng tubig sa mga kilala at dekalidad na water refilling station.

Mataas na lagnat, pananakit ng ulo at pagdudumi ang ilan naman sa sintomas ng typhoid fever.

Influenza. Mabilis kumalat ang virus dahil sa halumigmig at mababang temperatura. Kaya prone tayo sa influenza o trangkaso na may kasamang ubo’t sipon.

Payo ng mga medical expert, ugaliing kumain ng masusustansiyang pagkain para mas tumibay ang resistensiya at hindi agad dapuan ng sakit. Importante ring mag-water therapy. Uminom ng hindi bababa sa walong basong tubig kada araw.

Leptospirosis. Ngayong wet season, marami ring naitatalang kaso ng leptospirosis. Nakukuha ito sa tubig-baha na kontaminado ng ihi ng daga. Maaari rin itong makuha sa putik na kontaminado ng bacteria na leptospira.

Kapag may sugat ang paa at lumusong sa baha, posibleng pumasok ang leptospirosis bacteria sa iyong katawan. Puwede rin daw pumasok sa ilong, mata, at bibig ang bacteria kapag lumangoy sa baha o putik na kontaminado nito.

Agad magtungo sa doktor at magpasuri kapag nakararanas na ng lagnat, panginginig, pananakit ng kasukasuan, pamumula ng mata, hirap sa pag-ihi, at paninilaw ng balat. Karaniwang luma­labas ang sintomas ng leptospirosis makaraan ang 5 hanggang 14 araw matapos lumusong sa baha.

Huwag lumusong o maligo sa baha. Umiwas din sa putikan at maruruming swimming pool. Kung kailangang lumusong, ipinapayo ring magsuot ng gloves at rain boots.

Kung hindi talaga makaiwas sa baha, maglinis agad ng paa at katawan. Maglagay ng alkohol sa lahat ng nabasang parte ng katawan.

Dengue. All-year round ang sakit na dengue. Pero mas maraming naitatalang kaso nito tuwing tag-ulan dahil sa naiipong tubig o stagnant water. Puwede kasi itong pamugaran ng mga lamok na may dalang dengue.

Kabilang sa sintomas nito ang pabalik-balik na lagnat, pananakit ng ulo, pang­hihina ng katawan, kawalan ng ganang kumain, pagsusuka, pagdudumi at ra­shes sa balat.

Ang sa akin lang, kung masama ang pakiramdam, huwag nang mag-atubiling kumonsulta sa doktor. Mas mainam nang maagapan ito kaysa lumala pa.