Iwasan: Masasamang kasama

Dear Kuya Rom,

Tawagin mo na lang akong Vicky. Istrikto ang mga magulang ko, pinahihirapan nila ako, kasi 16 pa lang ako noon, may boyfriend na at sumisiping sa kanya.

Hindi nila alam na nagkikita pa rin kami, limang taon na, kasama ang barkada namin.

Pero pinutol ko na ang relasyon ko sa kanya, kasi sobra siyang sinu­ngaling.

Kasama pa rin ako ng barkada. Pero nalaman kong ang buong barkada ay nagsisinungaling din sa akin. Sa galit ko, matagal na hindi ako sumama sa kanila.

Isang lalaking kaibigan ko at kasama ng barkada ang nakipagkita sa akin. Sinabi ko sa kanya ang lahat­ ng nangyari sa aking buhay at sama ng loob ko. ­Niyakap niya ako, niyakap ko siya, at nagsiping kami.

Bumalik ako sa pagsama sa barkada. Pero hindi na ako komportable. Nandoon ang dati kong boyfriend at ang lalaking minsang kasama ko sa kama. Tsismis pa rin ang usapan, buhay ng may buhay. Hindi ko na alam kung ano ang totoo at hindi. Gusto ko nang kumalas sa barkada, pero nakakalungkot naman. Anong gagawin ko? — Vicky

Dear Vicky,

Istrikto ang mga magulang mo sapagkat ang hangad nila ay kabutihan mo. Ito ay pag-ibig sa anak, hindi pagpapahirap sa iyo. Ang nais nila ay matuto kang magkaroon ng disiplina sa sarili at pagpipigil sa sarili. Ito ay mahalaga upang maging maayos ang iyong buhay.

Pero nagrebelde ka. Hindi mo pinahalagahan ang iyong sariling pamilya at mas pinahalagahan mo ang iyong barkada. Tinalikuran mo ang pagmamahal ng iyong mga magulang at naghanap ka ng pagmamahal sa labas ng tahanan sa maling paraan.

Yabang ang nagtulak sa iyo para huwag sundin ang iyong mga magulang. Sinunod mo ang iyong sarili.­ Sa tingin mo, tama ka, pero mali. Ang maling desisyong ito ang nagdala sa iyo sa kapahamakan at sumira sa iyong pagkadalaga at pagkatao. Nangyari ito sapagkat binalewala mo ang mabuting asal na turo ng mga magulang mo.

Anong gagawin mo? Iwasan ang masasamang kasama. Kumalas ka sa dati mong barkada. Galing sa kanila ang lalaking nagsamantala sa iyo. Hindi mo sila mapagkakatiwalaan. Nakakasira sila ng buhay. “Huwag kayong palilinlang…

Ang masasamang kasama ay nakakasira ng mabuting ugali” (1 Corinto 15:33) Upang hindi ka maligaw, magkaroon ka ng mga mabu­ting kaibigan. “Ginagabayan ng taong matuwid ang kanyang­ kaibigan, ngunit ililigaw ka ng taong masama.” (Kawikaan:­ 12:26)

Manatili ka sa piling ng iyong pamilya. Yakapin mo ang kanilang pagmamahal. Lasapin mo at maging komportable ka sa pag-ibig nila sa iyo. Matuwa ka sa kanilang presensiya.

Sila ang tunay na kaibigan mo.

Magandang magpasakop ka sa iyong mga magulang. “Mga anak, sundin niyo ang mga magulang niyo dahil ito ang nararapat gawin… ‘Igalang niyo ang inyong­ ama’t ina.” Ito ang unang utos na may kasamang pangako. At ito ang pangako, “Giginhawa ka at hahaba ang buhay mo rito sa lupa” (Efeso 6:1-3). Manalanging gabayan ka ng Diyos sa tamang landas. God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom