Iwasan muna ang pang-aalaska

Noong weekend ay magsisimula na dapat ang volleyball action sa UAAP Season 82 kung saan makikita sana ang early clash ng rival school na Ateneo at La Salle, at iba pang palabang mga koponan.

Ngunit walang hampasang nangyari, paliwanag ni UAAP Executive Director Atty. Rene Saguisag Jr., ito’y dahil sa banta ng novel coronavirus na kumalat na sa buong mundo.

Totoo naman, lalo’t naglabas ng advisory ang Department of the Interior and Local Government na dapat ay iwasan muna ang mga public gathering, na dinadaluhan ng malaking bilang ng tao.

Ngunit hindi ito naintindihan ng ibang madla, gumawa pa ng isyu tungkol sa UAAP S82 host na Ateneo.

Sey ng mga ­basher, baka raw may ­tinatagong motibo ang Ateneo kaya piniling suspendihin muna ang mga laro.

Kesyo may injured na key player daw ang Lady Eagles kaya sinamantala ang COVID-19 outbreak para makarekober ito.

Sana’y huwag munang gumawa ng mga ganitong isyu ang mga netizen dahil kapakanan hindi lamang ng mga player ang nakasalalay, kundi pati ang mga manonood sa mga venue.

Hindi lang naman UAAP ang piniling mag-suspend ng kanilang mga laro, nand’yan din ang NCAA, PBA at kahit maging laro sa 2021 FIBA Asia qualifiers ay naurong din.

Mas mabuti nang maging maingat kaysa magsisi sa bandang huli.
***
Sa nakalipas na NBA All-Star, hindi lang ang mga star player sa international league ang aking inabangan.

Siyempre ay mas matimbang sa akin na masilayan si Kai Sotto sa court, na naging parte ng 6th Basketball Without Border Camp 2020.

Naging maganda ang performance dito ng Pinoy cage phenom, bagama’t sa huling laro nila ay tila pinagdadamutan ng bola. Pero panigurado namang napahanga ni Kai ang mga talent scout dahil sa versatility niya sa court.

Patuloy ang aming pagdarasal na sana nga’y siya na ang ­unang homegrown ­talent na makatutuntong sa NBA.