Iwasan natin ang muhi at paghusga sa ibang lahi

Nitong mga nakalipas na araw, tuloy-tuloy na binabalikat at pinagdurusahan ng mga Chinese at maging ng mga Chinese-Filipino sa bansa ang ‘stigma’ na dala ng kinatatakutang 2019 novel coronavirus na nagmula sa kanilang bansa.

Sa ‘di mabilang na okasyon, chat group at media platform, patuloy nating nadidinig, nakikita at napapanood ang sari-saring kuwento, tsismis at video na tila nagbabagsak ng sisi sa mga Chinese dahil sa pagkalat ng nasabing sakit.

Personal akong umaapela na itigil na ang patuloy na diskriminasyon laban sa ating mga kapatid na Chinese. Ang walang habas na pang-iinsulto at pagsasalita ng masakit laban sa kanila at iba pang nakasasakit na gawain ay walang maidudulot na mabuti o maitutulong sa kasalukuyang sitwasyon.

Habang isinusulat ito, nakalulungkot na ang naapektuhan ng naturang virus sa Wuhan, China ay lumagpas na ng 38,000 at nadaragdagan pa samantalang ang bilang ng namamatay ay umabot na sa mahigit 800. Naka-lockdown pa rin ang buong Wuhan at napakaraming buhay na rin ang nadiskaril, kasama na ang ating sa­riling mga overseas Filipino worker (OFW) na hindi makauwi at ‘di rin makabalik sa kanilang trabaho sa ibang bansa.

Walang may kagustuhan sa mga pangyayari, lalo na ang mga Chinese na siyang pinaka-apektado, kung tutuusin, ng sitwasyon na idineklara na mismo ng World Health Organization bilang isang global health emergency.

Naroon na tayo. May ilan talagang nakagagalit na kaso kung saan Chinese ang nasasangkot gaya na lang ng kay Zhou Ziyi, ‘yung inaresto matapos takasan ang Manila Traffic and Par­king Bureau enforcer na sumita sa kanya dahil sa paglabag sa number coding scheme. Habang tumatakas ay nabangga pa ni Zhou ang ilang sasakyan at huminto lamang nang mapailalim sa kanyang kotse ang motorsiklo ng enforcer.

Nang inaaresto na ng unipormadong pulis, nandura pa ito habang pumapalag at nakitaan pa ng shabu at ayon sa kanyang kasamang Pilipina, sabog daw ito sa droga.

Ito ay dapat nating ituring bilang isang ‘isolated incident’ lamang at hindi dahilan para kamuhian ang buong lahi ng Chinese.

Sa gitna ng walang tigil na pambabatikos sa mga Chinese national, hindi ako maaaring manood lamang lalo pa’t alam ko na maaari ko namang subukan na gumawa ng isang bagay para maibsan ang diskriminasyon.

Malinaw ang aking katayuan sa isyu at ito ay aking inihayag sa ginanap na paggunita nitong nakaraang Lunes ng ‘75th Year of the Battle for Manila’ sa Manila City Hall Freedom Triangle.

Patuloy ang pamamayani ng duda, paranoia at takot sa karamihan sa atin pero hindi ito sapat na dahilan para ibunton natin ang lahat ng sisi sa iisang nasyon o bansa at para maglabas tayo ng mga negatibong pahayag na nilalahat na natin ang isang lahi. Hindi ito makatarungan.

Batay sa ating kasaysayan, gaya ng sa Battle for Manila, sadyang kapuri-puri ang papel na ginampanan ng mga sundalong Chinese. Inialay nila ang kanilang buhay at sumama sila sa mga sundalong Amerikano noong panahon ng digmaan upang palayain ang Maynila mula sa pananakop.

Hindi tama at patas na husgahan natin ang ibang lahi dahil ang virus outbreak ay maaaring mangyari kahit saan, kahit kailan. Kaya ako ay nakikiusap na itigil po natin ang poot at muhi at iwasan din natin ang mga ‘discriminatory statement’. Huwag ta­yong gumamit ng mga salita na makasasakit sa ibang lahi dahil wala naman itong dalang tulong o kabutihan.

Mabanggit ko lamang na mula noong lumabas ang balita ukol sa unang kaso ng novel coronavirus sa Pilipinas ay tuloy-tuloy na ang dating ng tulong sa pamahalaang lungsod ng Maynila. Libo-libong face mask at mayroon pang daan-daang temperature scanning device ang dumating bilang tulong para mapigilan ang pagpasok ng virus sa lungsod.

Mga miyembro ng Chinese-Filipino community mismo ang unang rumesponde at nag-alok ng tulong nang walang hininging kapalit.

Sa kabila ng pagbatikos, pandidiri at pagkamuhi sa kanila, ‘di nila ito inalintana at patuloy silang tumulong.

Sana ay magkaisa tayo sa pagharap ng hamong dala ng coronavirus. Ito ang oras upang patuna­yan natin sa ating mga bayaning nag-alay ng buhay na ang Pilipino ay tunay na ‘worth dying for’.

Sa mga mamamayan ng Maynila, ako ay nananawagan na huwag basta-basta maghusga sa ibang bansa o lahi dahil hindi ganyan ang uri ng pagkatao ng mga taga-Maynila. Tayo ay isang lungsod kung saan namamayani ang paggalang at pagmamahal sa kapwa at dapat ay manatili tayong ganito sa lahat ng oras.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ring mga Batang Maynila. Manila, God first!

***

Maaari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbi­sita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account — ‘Isko Moreno Domagoso’.