CURIOUS kaming panoorin ang horror movie na Ilawod dahil sa sinabi ni Direk Dan Villegas na may kaabang-abang na eksena rito sina Iza Calzado at Ian Veneracion which involves ‘lack of clothes.’
Ibig bang sabihin ay nagla-lovescene ang dalawa nang walang mga saplot, tapos ay biglang may sumulpot na multo sa gitna ng pagtatalik nila, ganern?
Natawa lang si Direk Dan. Ayaw nitong idetalye ang eksena dahil ayaw niyang mag-spoiler.
Basta, may kakaibang ginawa rito sina Iza at Ian, na gumaganap bilang mag-asawa.
Nakatrabaho na dati ni Direk Dan si Iza pero hindi bilang direktor. First time niyang madirek si Iza sa Ilawod.
Puring-puri niya si Iza na magaling daw lalo na sa horror.
Mga mata pa lang kasi ni Iza ay bagay na bagay na sa ganitong genre.
Si Ian ay sobrang crush ng Palanca award-winning writer ng movie na si Yvette Tan.
Hindi nagkaproblema si Direk Dan sa cast niya na lahat ay very professional at magagaling, pati ang mga bagets na sina Therese Malvar, Xyriel Manabat at Harvey Bautista.
Pang-MMFF dapat ito, pero hindi sila umabot dahil binagyo-bagyo ang shooting nila ng exterior scenes kaya hindi sila natapos.
Ilang araw silang na-packup kaya naging mahirap maging ang scheduling ng mga artista.
***
Hindi na-miss ng blockbuster at award-winning director ng English Only Please (2014) at Walang Forever (2015) ang katatapos na MMFF after ng magkasunod na taon na meron siyang entry.
Natatawang sey ni Direk Dan, medyo okey ito para sa kanya dahil wala siyang stress nu’ng Pasko.
Kapag may entry kasi, hinihintay mo ‘yung text sa madaling-araw kung okey ba ang kita ng pelikula mo o hindi.
Nakaka-pressure ‘yon at Paskong-Pasko ay mai-stress ka.
Hindi nagsisi si Direk Dan na pinili niyang mag-horror movie na hindi nakaabot sa filmfest deadline.
Katwiran niya, masarap ‘yung iba naman dahil paulit-ulit na lang na romcom ang ginagawa niya.
Aminado siyang mahirap at super nanibago siya dahil first time niyang nag-horror at ibang-iba ito sa romcom na nakasanayan niya.
Pababang agos ng tubig (o downstream) ang ibig sabihin ng Tagalog word na ‘ilawod.’
Sa January 18 ang showing ng Ilawod na tampok ang very Pinoy na kuwento ng water nymph.