AYAW sagutin ni Iza Calzado ang tanong namin kung kailan ba lilipad si Darna.

“Tanungin niyo si Liza (Soberano). Wala akong kinalaman diyan. Tanu­ngin niyo ang Star Cine­ma,” nakangiting dayalog sa amin ni Iza, na matagal nang napapabalitang kasama sa Darna movie ni Direk Erik Matti na pagbibidahan ni Liza.

Ang tsika ay may importanteng role si Iza sa Darna kaya nakikita siyang nagti-training kasama si Liza.

Quiet siya sa Darna movie, ang mas gustong pag-usapan ni Iza ay ang Sanggre Productions na tinayo nila ng mga kapwa niya Sanggre ng Encantadia na sina Sunshine Dizon, Karylle Tatlonghari-Yuzon at Diana Zubiri-Smith.

May gagawin silang movie na ididirek ng kanilang Enca director na si Mark Reyes.

Ani Iza, matagal na nilang plano itong magkakaibigan dahil hanggang ngayon ay ang lakas pa rin ng following ng Encantadia Sanggres.

At dahil magkakaiba na sila ng network, sa pelikula sila pupuwedeng magkasama-sama. Inaayos pa ang script at ang mga schedule nila.
Magpoprodyus din sila ng pelikula na hindi neces­sarily sila ang mga bida.

May gagawing Cine­malaya film si Iza na first time niyang gaganap na lesbian, sa direksyon ni Perci Intalan.

Ayaw ding pag-usapan masyado ng gandarang aktres ang kasal nila ng fiancé niyang si Ben Wintle na late this year magaganap.

Destination wedding ito, na ayaw pang sabihin ni Iza kung saan. Siyempre ay magiging part daw ng kanyang entourage ang mga kapatid niyang Sanggre.

Lovelife ni Atom: ‘It’s not important’

NAANTIG at naluha kami sa bagong online video ng McDonald’s tampok si Atom Araullo at ang kuwento ng mga inang nagsilang ng sanggol sa mga evacuation center sa Marawi habang nagaganap ang kaguluhan doon.

Ayon kay Atom, kapupu­lutan ng inspirasyon ang tapang ng nasabing mga ina na pilit ibinabangon ang kanilang mga buhay at nananatiling buo ang pag-asa para sa kanilang mga anak.

Parang documentary ang dating ng ‘Baby Bakwits’ na ginawa ni Atom in partnership with McDo. Pinag-usapan nila kung anong gagawin para sa mga naapektuhan ng nasabing conflict at bilang journalist ay ‘yun ang linya ni Atom, so sumakto ang project na ‘yon para sa kanya.

Walang McDonald’s sa Marawi, pero ang alam ni Atom ay maraming gaga­wing pagsuporta ang McDo sa mga bakwit (tawag sa evacuees) gaya ng pagpapatayo ng pasilidad para sa mga bata tulad ng daycare center at pag-provide ng livelihood sa mga ito.

Nauna rito ay nakasama ni Atom ang daddy niya sa isa pang bagong online video ng McDo.

Samantala, hindi pa alam ng Kapuso journa­list kung magkakaroon ng commercial release ang pelikula niyang ‘Citizen Jake’ na dinirek ni Mike de Leon.

Umaasa siyang mapanood ito ng mas marami, pero may balitang ayaw itong ipa-MTRCB ni Direk Mike.

Ani Atom, as a producer ay ayaw ni Direk Mike ng kahit anong cuts sa pelikula. Siya rin bilang scriptwriter at artista nito ay ayaw din itong paputulan.
So, titingnan pa nila kung anong best move to do about it.

If ever sa mga eskuwelahan lang iikot at mapapanood ang Citizen Jake sa halip na sa mga sinehan, okey lang ba ‘yon sa kanya?

“As long as more people get to see it, I’m all for it,” pakli ni Atom.

Sa kabisihan niya, wala rin ba siyang time para sa kanyang lovelife?

“Depende. Hehehe! Ano na ‘yon, ibang usapan na ‘yon,” nakangiting sagot ni Atom.

“Distracting lang ‘yan. Huwag nating pag-usapan. It’s not important,” dagdag pa niya.
Pak!