Jack Lam, Michael Yang tandem sa Fontana POGO

Inaprubahan na diumano ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ang pagbubukas muli ng Fontana hindi lamang bilang casino kundi bilang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

Ayon sa source ng Abante Tonite, ang puganteng casino tycoon na si Jack Lam ng Jimei Group ang umano’y magpapatakbo ng Fontana POGO sa tulong diumano ng dating presidential economic adviser na si Michael Yang at isa pang Filipino-Chinese businessman.

Sinabi ng source na tumatakbo na ang operasyon katuwang ang daan-daang Chinese worker. Susunod na umanong gagalaw ang casino.

Sinubukan ng Abante Tonite na kunin ang reaksyon ng mga opisyal ng Pagcor Communications noong nakaraang linggo sa pamamagitan ng email at text message subalit walang tugon.

Magugunita na ipinasara ang Fontana noong Disyembre 2016 dahil sa “illegal or unlicensed gaming operations and employment of aliens without the proper permits in the said premises, in violation of Philippines anti-gambling, labor and immigrations laws.”

Mahigit sa 1,000 Chinese worker na karamihan ay mga offshore
casino player mula sa mainland China ang inaresto sa serye ng mga
pagsalakay bago ipinasara ang Fontana.

May katulad na raid din na isinagawa sa Fort Ilocandia Casino ni
Lam bago ito ipinasara.

Agad na umalis ng bansa si Lam, noong Nobyembre 29, ilang araw bago iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-aresto kay Lam dahil sa kasong bribery at economic sabotage.

Si Yang ay isang Chinese citizen na kaibigan ni Pangulong Duterte simula noong mayor pa ito ng Davao City. Itinalaga si Yang bilang economic adviser subalit natanggal makaraang makuwestiyon sa pagiging hindi isang Pilipino.

Ito umano ang nagmamay-ari ng POGO na Great Empire Gaming sa Eastwood na ni-raid kung saan naaresto ang libo-libong illegal Chinese worker bukod pa sa Xin Huang Cheng Co. sa Cebu.