Sa labas ng Golden 1 Center Arena sa Sacramento, kapit-bisig ang mga nagpoprotesta na bumara sa entrances bago hanggang matapos ang laro.
Sa loob, apektado ang players ng magkalabang Kings at Atlanta Hawks.
Pero nakagawa ng paraan si rookie Justin Jackson, tinipa sa third quarter ang 11 sa kanyang season-high 20 points para tulungan ang Kings sa 105-90 panalo laban sa Hawks.
Tumira si Jackson ng 7 of 8 mula sa field, perpekto sa apat na pukol sa labas ng arc at naiganti ng Sacramento ang season-worst loss na 126-80 sa Atlanta noong Nobyembre.
“It definitely throws you off for sure,” ani Jackson hinggil sa protesters.
May tig-16 points sina Buddy Hield at Frank Mason sa Kings, tumapos si Kosta Koufos ng 14 points at 11 rebounds.
Higit sa stats, ang malaking crowd na nagpoprotesta sa labas, sa dami ay naisara ang freeways at mga kalsada. Ipinuprotesta nila ang pagkakabaril ng pulisya kay Stephon Clark, isang black man na nasa labas ng bahay ng mga lolo’t lola Linggo ng gabi. Ayon sa mga ulat, 20 beses binaril ang hindi naman armadong si Clark.
Kulang 2,000 na ang nasa loob ng 17,600-seat Golden 1 Center bago tinigil ang pagpapapasok. Ang ibang nakapasok, pinayagang bumaba sa lower section ng arena, naiwang bakante ang upper deck.
Pinag-isipan pa ng NBA na kanselahin o ipagpaliban ang laro, pero bandang huli ay tinuloy rin.
Pagkatapos ng laro, nagsalita si Kings owner Vivek Ranadive sa center court habang pinapalibutan ng Sacramento players at coaches, at nakisimpatiya sa pamilya Clark.