AYAW na lang pansinin ni Nadine Lustre ang paninira sa social media ng isang extra sa teleserye nilang Till I Met You.

Kung anu-anong pinagkukuwento nito na kasamaan daw ng ugali ng Kapamilya young actress na naobserbahan ng extra sa taping.

“Deadma na lang ako,” pakli ni Nadine.

“Hindi ko na lang masyado pinapansin, eh.

Ang sabi nila, ang dami niyang sinasabi sa akin.

“Ang ginawa na lang ng Dreamscape, tinanggal na lang nila.

“Kasi, lagi ko lang siya nakikita, eh.

“I remember the last time, humingi pa siya sa akin ng video greeting, eh.

So, sabi ko… ah okay,” sabi pa ni Nadine nang sandaling nakausap namin sa press launch sa kanya bilang bagong Ambassadress ng Nails.Glow.

Protektado ng Viva at ABS-CBN 2 ang young actress kaya ayaw na nilang pasagutin ito tungkol sa pagpalit niya kay Liza Soberano bilang bagong endoser ng Nails.Glow.

Si Liza ang dating endorser nito, pero naipaliwanag ng maayos nina Freddie at AJ Opena kung bakit si Nadine na ang kinuha nila.

Kaibigan pa rin daw nila si Liza at idinagdag lang daw si Nadine sa kanilang endorsers.

Sinabi rin ni Nadine na friends sila ni Liza, kaya hindi raw isyu sa kanila ito.

Masayang ibinalita na rin ng Nails.Glow na magkakaroon ng ilang branches na pag-aari ni Nadine. Ito bale ang ­unang negosyo ng young actress.

Bago hinatak ng mga taga-Viva si Nadine, nasagot naman niya ang mainit na isyu ng Till I Met You sa MTRCB.

Nag-iingat na sila ni James Reid para hindi maulit ang pagpapatawag sa kanila ng MTRCB.

“Nag-iingat na lang kami nang konti. Nare-review naman nina direk ‘yun, eh.

“Sa tingin nila na super revealing na, hindi na puwede o sumusobra na, siyempre, i-screen na nila ‘yun at tatanggalin na nila ‘yun,” pahayag ni Nadine.