DALAWANG taon nang nagli-live-in sina James Reid at Nadine Lustre. Sa mga panahong ito ay malalim nang pundasyon ang nag-uugnay sa kanila.

Siguradong panghihinayangan nila ang mga panahong pinagsaluhan nila, hindi nila basta-basta maitatapon ang ilang taon na nilang relasyon, kaya hati ang isip namin sa kuwentong hiwalay na ang dalawa.

Normal lang naman sa mga magkarelasyon ang hindi pagkakaunawaan, pati ang matinding away ay bahagi rin ng isang eksentrikong relasyon, pero sa pagtatapos ng maghapon ay sila pa rin.

Kung totoo ngang nagkanya-kanyang landas na sina James at Nadine ay nakapanghihinayang ang kanilang tambalan. Sa mga pelikulang pinagsamahan nila ay ramdam kung gaano nila kamahal ang isa’t isa.

Hindi pangharap lang ‘yun ng mga camera, alam mong mahal talaga nila ang bawat isa, ramdam mong wala na silang ibang gustong makasama pa sa buhay kundi silang dalawa lang.

Dahil magkaiba ang kulturang kinagisnan nila ay maaaring umuusbong ang mga pagtatalo, ang mga argumento, pero kapag napapanood namin silang magkasama sa kahit anong sitwasyon ay ramdam na ramdam namin bilang manonood ang kanilang pagmamahalan.

Sa pag-akbay ni James kay Nadine, sa paghaplos nito sa likod ng dalaga, ang ganting yakap ni Nadine sa bewang ng tisoy na aktor.

‘Yun pa lang ay puwede nang maging dahilan para huwag nilang sayangin ang mga panahong ipinagsama nila. Bibihira lang kasi ang ganu’n kalalim na relasyon sa panahon ng mga milenyal.

Huwag naman sana.

Female personality maagang nagkasakit ng ‘dementia’

MASAMA pala ang loob ng isang businesswoman sa isang kilalang female personality na nu’ng mga panahong may matinding pangangailangan ay halos nakabantay sa kanyang opisina.

Para na rin siyang empleyado ng babaeng negosyante, kung minsan nga ay mas nauuna pa siyang dumating sa opisina nito, para lang makatiyak na hindi siya uuwi nang luhaan.

Kuwento ng aming source, “Very generous kasi ‘yung businesswoman, hindi siya namimili lang ng taong inaabutan niya. Palaging nandu’n sa kanya ‘yung female personality para alam mo na, makatanggap siya ng biyaya.

“Matindi ang pangangailangan niya nu’n, wala siyang career, hindi naman nagsusustento ang ama ng mga anak niya, kaya talagang kailangan niyang maging close du’n sa negosyante para meron siyang panggastos sa mga pangangailangan nilang mag-iina.

“At hindi naman siya pinagdadamutan nu’ng businesswoman, pag-alis niya, e, meron na siyang pang-grocery, may pambayad na siya ng ilaw at tubig, ganern!” kuwento ng aming source.

Umikot ang gulong ng buhay, nagkaroon ng career ang female personality, gumanda ang kabuhayan showcase nilang mag-iina dahil sa pagsikat ng isang mahal niya sa buhay.

Malungkot na kuwento ng aming impormante, “Maaga siyang nagkaroon ng dementia. Parang sinadya na niyang kalimutan ang mga taong nagpala sa kanya nu’ng walang-wala pa siya.

“Imagine, nu’ng time na ‘yun, e, pamasahe lang niya papunta sa office nu’ng businesswoman ang puhunan niya? ‘Yun lang! Pag-uwi niya, e, meron na silang pang-one week na biyaya!

“Pero alam n’yo bang mula nu’ng magkaroon na siya ng career, e, hindi man lang niya nakukumusta ‘yung negosyante? Wala talaga, as in, bulag, pipi at bingi na siya!

“Nami-miss na nga siya ng mga kaopisina niya ngayon, e! ‘Yun ang mga empleyado ng negosyante na palagi niyang kasama nu’n sa pagdating ng boss nila.

“Kahit tawag lang o text, hindi na niya ginagawa, samantalang dati, pati ang pang-load niya, e, du’n sa businesswoman nanggagaling!

“Ay, napakaaga ngang nagkaroon ng dementia ng babaeng ‘yun na sobrang alahada na ngayon sa TV! May suot siyang diamonds, tapos, iba-ibang birthstones din ang suot niya!

“Wala lang, para lang maipaalam niya sa buong mundo na siya ang queen of jewelry box! Halu-halo talaga ang suot niyang mga alahas!” tawa nang tawang pagtatapos ng aming impormante.

Ha! Ha! Ha! Ha!