JaDine walang eksenang nagse-sex

HINDI puno ang sinehan nang manood kami ng JaDine mo­­vie na Never Not Love You nung Easter Sunday sa TriNoma.

Hindi romcom ang NNLY at bago sa paningin­ ang pinakita rito nina James Reid at Nadine Lustre.

Si James bilang freelance graphic designer at tattoo artist na si Gio ay yosi nang yosi, naka-ponytail ang buhok, tadtad ng tattoo ang katawan at ang lutong magmura.

Si Nadine bilang si Joanne na nagtatrabaho sa isang marketing­ company ay pro­binsiyana, na ha­­los hindi nag-aayos pero may ambisyon sa buhay.

Amboy ang karakter ni James kaya panay ang Ingles, habang ang karakter ni Nadine ay taga-Zambales, kaya may mga dayalog itong Ilocano o Zambal.

Kumpara sa mga nauna nilang pelikula ay mas totoo ang dating dito ng JaDine at mas bagay sa mga edad nila ang role nila.

Swak din sa kanila ang istorya ng live-in lovers, bilang sa totoong buhay ay matagal nang nababalitang nagsasama na sila sa iisang bubong.

Wala nang mga pakyut at pabebe, kaya mas ramdam namin ‘yung mga awa­yan at bangayan nilang magdyowa.

Gustong-gusto namin dito si James, na bukod sa napakaguwapo sa screen ay ang galing umarte. Lutang siya sa talakan scene nilang magdyowa at ang pogi niya kahit umiiyak.

Naantig kami sa paalaman scene ng dalawa sa London airport at sobrang dama namin si James sa best scene niya sa may labas ng 7-Eleven na emosyonal siyang nagdayalog kay Nadine ng, “Don’t give up on me yet…”

Crylaloo kami, infeyr! Parang gusto na­ming ya­kapin at mahalin si James forever.

Magaling din si Nadine at kita mong may lalim ang mga hugot niya. Mababasa mo sa mata niya at sa mukha niya ‘yung pait at sakit na dinadala niya.

Malutong din magmura si Nadz, pero kailangan sa eksena. At bet namin ‘yung strong female character niya na handang magsakripisyo para sa pag-ibig, pero kaya ring ipaglaban ang kanyang sariling ambisyon at pangarap sa buhay.

Maging ang kulay ng pelikula ay hindi swit-switan ang peg. Pati ‘yung mga eksena sa London ay hindi rumo-romcom ang cinematography.

May texture ang mo­vie na parang sinasabing seryoso rito ang JaDine at tapos na sila sa mga pagpapakyut.

Itong Never Not Love You ang pinaka-mature na pelikula nina James at Nadine and it’s a progressive step towards the right direction.

Naghahanap lang kami ng love scene dahil parang hindi natural na ang tagal nilang magka-live in (dito sa ‘Pinas at sa London) ay wala man lang eksenang nag-sex sila.

May mga halikan at ek­sena sa kama, pero nabitin kami na wala silang love scene samantalang naga­wa nga nila ito sa isang primetime teleserye nila noon.

Nagpaka-mature na rin lang ay hindi pa ibinigay lahat. Mas bumilib sana kami sa JaDine kung talagang ni-level up na nila at hindi na sila nag-alinla­ngan pa!