WAGAS ang ligaya ng JaDine fans pagkatapos ng special screening ng Till I Met You sa TriNoma Cinema 7 nu’ng Linggo nang gabi.
Base sa ipinapanood sa aming special cinema edit ng pilot week nito ay winner na naman ang bagong teleserye ng JaDine loveteam.
Kuwento ito ng magkababata at mag-best friends na sina Iris (Nadine Lustre) at Ali (JC Santos) na mahal ang isa’t isa, hanggang sa pumasok sa buhay nila ang binatang taga-Greece na si Basti (James Reid).
Ang suwerte ng theater at indie actor na si JC Santos at siya ang napiling maging third wheel o maka-love triangle ng JaDine.
Ang bongga ng role ni Alejandro, na bukod sa childhood friend at first love ni Iris ay complex ang karakter nito dahil alam mong isa itong closet gay.
Ang ganda ng dynamics ng friendship nina Iris at Ali, na naging ‘MU’ dahil pareho nilang love ang isa’t isa.
Sa pag-alis pa lang ni Ali sa PMA na mas pinili nitong maging chef ay alam mo na kung saan papunta ang kanyang kuwento.
Lalo pang na-confuse si Ali dahil sa kabaitan ng bago niyang kaibigan na si Basti, na naging inspirasyon niya para gawin ang totoo niyang gusto sa buhay.
Kung gaano ka-sweet ang childhood love story nina Nadine at JC ay ganu’n din ka-cute ang budding BROMANCE sa pagitan nina JC at James.
Ang nakakaaliw sa JaDine fans ay ang lakas din ng tilian nila para kay JC.
Mainit at very welcoming ang response nila sa bagong mukha na napiling maging katrayanggulo nina James at Nadine.
Bukod sa natural umarte ay may sariling kaguwapuhan at sex appeal si JC.
Keri niyang makipaglabanan ng abs kay James, gaya ng pinost niyang pic sa Instagram na kuha sa Mykonos na litaw ang kanyang six-pack.
Natuwa kami para kay JC na matagal nang lumalabas sa teatro at sa indie films, pero ngayon lang dumating ang biggest break sa kanyang career.
Tiyak na mababago ang buhay niya dahil sa JaDine project na ito.
Interesting ‘yung LGBT angle sa karakter ni JC, na medyo kakaiba at hindi lang ‘yung the usual normal guy na ka-triangle ng bidang loveteam.
Napanood namin ang mapangahas na indie film ni JC na Esprit de Corps (Cinema One Originals 2014) at wala siyang keber sa mga kabadingang eksena.
In fairness ay may chemistry rin sina JC at James, na aliw ang fans sa tuwing nagtatawagan sila ng BRO at inaakbayan ni James si JC, sabay sabi ng “I got your back!”
Kung hindi lang ikagagalit ng JaDine fans at ng MTRCB ay gusto naming magkaroon ng relasyon sina Ali at Basti, with matching hugs and kisses kung pupuwede.
As expected ay ang guwapo rito ni James, na nagsasalita ng Greek language bilang Greek ang kanyang mother at isa siyang tour guide sa nasabing Mediterranean country.
Dumayo pa sa Greece ang Dreamscape para sa Till I Met You. May magagandang scenes na kinunan si Direk Antoinette Jadaone (at guest director nila sa Greece na si Dan Villegas) sa Athens, Mykonos at Santorini.
Kagabi nagsimula ang Till I Met You sa Kapamilya Primetime Bida pagkatapos ng Ang Probinsiyano.