Sa detention cell ang bagsak ng isang miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) matapos umanong magwala bitbit ang kanyang service firearm sa kanilang lugar sa Taguig City kamakalawa ang gabi.
Nahaharap sa kasong alarm and scandal ang jail guard na si SJO2 Joseph Ecal y Edu, 44-anyos, ng No. 6 Feliciano St., Purok 48, Lower Bicutan, Taguig City.
Base sa isinumiteng report ni Supt. Jenny Tecson, hepe ng Public Information Office ng Southern Police District, alas-10:00 ng gabi nang magwala ang jail officer sa harapan ng kanilang bahay sa Lower Bicutan sa nasabing lungsod.
Ayon kay Tecson, isang concerned citizen ang nagreklamo sa kanila sa ginawang pag-iiskandalo ni Ecal na hawak nito ang kanyang service firearm na 9mm pistol kaya pagresponde ng mga tauhan ng Taguig City Police ay naabutan pa na nagwawala ang suspek.
Sa pahayag ng mga naninirahan sa lugar, lasing umano ang jail officer at mistulang wala sa katinuan nang magwala.