Liyamado ang Foton laban sa F2 Logistics sa best-of-three finals series ng Philippine Superliga All-Filipino Conference na babasagin sa Huwebes sa FilOil Flying V Center sa San Juan.
Sa pananaw ni RC Cola-Army coach Kungfu Reyes, sapat ang height, firepower at experience ang Tornadoes para sumagupa sa Cargo Movers sa championship ng inter-club tourney na suportado ng KLab Cyscorpions, Mueller, Mikasa at Asics.
Pinunto ni Reyes na mahirap tapatan ang higanteng si Jaja Santiago at si Maika Ortiz, subok ding mag-deliver sina Cherry Rondina, Patty Orendain at EJ Laure.
Tinalo ng F2 ang Foton sa first round 25-11, 25-23, 25-14, pero rumesbak ang Tornadoes sa second 19-25, 25-20, 25-23, 25-19 – ang nag-iisang talo ng Cargo Movers sa season.
“Foton is peaking at the right time, which makes it even more dangerous,” dagdag ni Reyes.
“I go for Foton here. They have the power, the experience and the height to match or even surpass F2 Logistics.”
Core ng F2 ang De La Salle na nag reyna sa UAAP, kampeon naman ng Grand Prix ang Foton.
Si Generika coach Francis Vicente, nakataya sa Cargo Movers. Sinabi niyang magkakaalaman kung sino kina playmakers Kim Fajardo ng F2 Logistics at Rhe Dimaculangan ng Foton ang makakapag-deliver.
“It will depend on the ability of the setter, on how they will perform,” punto ni Vicente.
“Though I’m not underestimating Foton, I would go for F2 Logistics for having the chemistry and the experience after winning that UAAP crown.”