Jalalon nambarako, PoW award binraso

Loaded ang backcourt ng Magnolia Pambansang Manok, sinusulit ni Jio Jalalon ang minutong binibigay sa kanya ni coach Chito Victolero.

Sa huling dalawang laro kontra Blackwater at Alaska, humarabas ang playmaker mula Arellano U para ihatid parehong panalo ang Hotshots at okupahan ang top spot ng PBA Governors Cup sa 7-1.

Sa kanyang kabayanihan, tinanghal si Jalalon na Cignal-PBA Press Corps Player of the Week (Oct. 8-14).

Sa back-to-back wins, nagsumite ang 5-foot-9 guard na tubong Cagayan de Oro ng averages na 15.5 points, 10.5 rebounds, 9.0 assists at 1.5 steals.

Nilista ng second-year guard ang una niyang triple-double performance sa pros na 13 points, 12 rebounds at 13 assists para giyahan ang Magnolia sa 133-99 blowout win kontra Blackwater noong Oct. 11.

Makalipas ang apat na araw, nag-deliver si Jalalon ng 18 points, 9 rebounds, 5 assists at 1 steal sa follow-up win na 83-73 laban sa Alaska.

Naungusan ni Jalalon sa citation sina teammates Paul Lee at Mark Barroca, Sean Anthony at Stanley Pringle ng NorthPort, at sina Christian Standhardinger at Marcio Lassiter ng San Miguel.