Kinumpleto ng Gilas cadets ang dominasyon sa wakas kahapon ng dalawang araw na PBA Draft Combine sa Gatorade Hoops Center sa Mandaluyong.

Si first round pick prospect Jio Jalalon ang tumapos sa pamamayagpag ng Gilas cadets nang mag-assist kay Jammer Jamito para maikasa ng Team E ang 55-51 overtime victory kontra Team C sa mini-tournament.

May siyam na puntos ang Arellano U Chiefs standout kasama ang importanteng feed kay Jamito sa pagsunod kay Mac Belo na nama­yagpag kamakalawa sa performance tests.

Nagantimpalaan si Jalalon ng MVP at hahati sa P50,000 prize sa apat na teammates.

Kasama ni Jalalon sa Mythical Team si Jamito na tumapos ng 18 points, naka-nine points na si Joseph Eriobu, Reden Celda at Gilas cadet ding si Mike Tolomia.

Nagposte si Belo ng 33.70 inch jump sa pa­ngunguna sa standing vertical leap, nagtatak pa ng 43.5 inch sa pamama­yagpag din sa maximum vertical leap.

Nakumpleto sa mga nagpasiklab sina Fil-American guard Ryan Arambulo na best time sa 3/4 Court Sprint (2.82 seconds) at sa Shuttle Run (47.22).

Fastest si Jamito (11.31) sa Lane Agility Run, at nanguna si Raffy Banal sa max med ball throw sa pagsalpak mula sa 11.3-meter distance.