Pormal na nanumpa kahapon bilang bagong miyembro ng Commission on Appointments (CA) si Zamboanga del Norte Rep. Seth Frederick ‘Bullet’ Jalosjos na siyang kapalit ng sinipang miyembro na si Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo Jr.
Si Bullet ay anak ng kontrobersyal na dating Zamboanga del Norte Rep. Romeo Jalosjos.
Sa plenary session ng CA, inuna ng mga senador at kongresista ang pagpapanumpa sa bagong miyembro ng body bago tinalakay ang pagpapatibay ng nominasyon ni Sen. Alan Peter Cayetano bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA) at tatlo pang opisyal ng DFA.
Ipinaliwanag naman ni Isabela Rep. Rodolfo ‘Rodito’ Albano III na halos dalawang linggo nang napagdesisyunan ng house panel na si Jalosjos ang ipalit kay Floirendo.
Nasipa sa CA si Floirendo matapos nitong makaaway si House Speaker Pantaleon Alvarez.