Pilipit na ang tira ni LeBron James, pumapasok pa rin.

Buong gabing mainit si LeBron, kahit gaano kalayo at kahit gaano karami ang nasa kanyang harapan.

“It was ridiculous,” bulalas nga ni Larry Nance Jr. sa wala na sa pormang tira ng kakamping si James.

Umiskor si James ng 39, siyam dito sa stretch, namigay ng 10 assists at may eight rebounds para muling buhatin ang Cleveland Cavaliers sa 113-108 panalo kontra Denver Nuggets Miyerkoles ng gabi.

Napakawalan ng Cavs ang 16 puntos na lamang sa first half kaya pagdating ng closing time ay kinailangang kumayod ni LeBron, sa dulo ay nagbaon ng sunod-sunod na off-balanced shots para habulin ang Nuggets na lumamang lang 8:35 pa sa laro sa drive ni Mason Plumlee.

Nabawi ng Cleveland ang manibela sa 3 ni Jeff Green mula sa bola na palabas na pero hinabol at tinapik ni James.

Dalawang kamao na binomba ni James ang dibdib matapos magbaon din ng malayong 3 1:11 pa sa orasan. Walang sablay, walang nakapigil kay LeBron at naiganti ng Cavs ang 126-117 home loss sa Denver noong Sabado.

“Those are shots that as a defender you just turn around to your coach and go, like,
‘Sorry,’” dagdag ni Nance.

Umayuda si Rodney Hood ng 15 points sa Cleveland, tumapos ng 10 si Green sa unang salang matapos ang dala­wang larong pag­liban dahil sa nananakit na likod.