Ibinuhos ni LeBron James ang 12 sa kanyang 38 points sa final 5 mi­nutes, at bumuwelta ang Los Angeles Lakers mula sa unang back-to-back losses ngayong buwan sa bisa ng 104-96 win kontra Indiana Pacers Huwebes ng gabi.

Umiskor si Brandon Ingram ng 14 at nagdag­dag ng 13 si Josh Hart para sa Lakers, napa­kawalan ang early 24-point lead bago sila binalikat ni James sa stretch.

“We’ve got the best player ever to put on a jersey, so that helps us out a lot,” wika ni Hart.

Tinapyas ng Indiana ang lamang ng LA 89-88 sa jumper ni Domantas Sabonis 4:59 sa orasan, pero sumagot si James ng 3-pointer at three-point play sa magkasunod na posesyon bahagi ng 10-run ng Lakers. Nagdagdag pa si LeBron ng 22-foot jumper 2:21 sa laro.

Nagbaba pa si James ng 9 rebounds at namigay ng 7 assists sa unang laro sapul nang umiskor ng season-low 14 sa tambakang talo ng Lakers sa Denver.

Nagsumite si Sabonis ng 20 points at 14 rebounds sa Pacers.