Konting sipa, palit ng puwesto ng bola. Ganun kasimpleng adjustment ang ginawa ni James Yap, at pagkatapos ng siyam na taon ay hari muli ng 3-Point Shootout sa PBA All-Stars.
Sa final sa Batangas City Coliseum noong Biyernes, isa lang sa 10 money balls ang isinablay ni James tungo sa 24 points. Naungusan niya sina Stanley Pringle at si Terrence Romeo na may 21 at 16.
“Parang mas kompiyansa ako kapag sa kanan ko kinukuha ang bola bago mag-shoot,” pagbubunyag ni Yap, 33, unang napanalunan ang side event noong 2009.
Dati ay sa kaliwa nakapuwesto ang rack, dalawang kamay na dadamputin ni James bago tumira ng kanan.
Sa praktis, sinabihan niya ang ball boy ng Rain or Shine na ipasa ang bola sa kanan tulad ng ginagawa niya sa regular games.
“Dun sa competition, nag-adjust ako at pumuwesto sa bandang kanan ng rack,” aniya.
Isa pa ay ang buwelo bago bumitaw. Kailangan niyang isipa ang paa.
“Kailangan maisipa ko ‘yung kanang paa sa harapan,” pagbubunyag ni James. “’Pag nagawa ko ‘yun, mas malamang na pumasok ang bola. Kung hindi, malamang hindi pumasok.”