CUATROS

ROMMEL PLACENTE: Nililigawan ngayon ni Jameson Blake si Elisse Joson, na ex-girlfriend ng kaibigan at kasamahan niya sa Hashtags na si McCoy de Leon.

Sabi ni Jameson, bago naman daw niya niligawan si Elisse ay kinausap niya si McCoy, nagpaalam siya rito bilang respeto dahil kaibigan niya ito.

Pero marami pa rin ang hindi pabor sa panliligaw ni Jameson kay Elisse.

Kahit pa raw nagpaalam siya kay McCoy, hindi pa rin daw niya dapat niligawan si Elisse kung talagang may respeto siya rito bilang kaibigan.

Marami naman daw babae, bakit si Elisse pa na nakarelasyon ni McCoy?

Sang-ayon din ako sa sinasabi ng iba, mali nga ang ginawang ito ni Jameson. Paano kung naging sila na ni Elisse, sagutin siya nito, e ‘di isasama niya ito sa mga lakad niya o showbiz commitments na posibleng nandu’n din si McCoy? Ang siste, magkakaroon ng ilangan, ‘di ba?

Sa kaso nina Kim Chiu at Maja Salvador, ‘di ba nasira ang friendship nila nang ligawan at mapasagot ni Gerald Anderson ang huli?

Siyempre, sumama ang loob ni Kim kay Maja. Kayo mga ka-Cuatros, ano ang opinyon ninyo sa panliligaw ni Jameson kay Elisse?

RONA AVECILLA: Maski ako ay nagulat sa panliligaw ni Jameson kay Elisse.

Pero, pareho naman silang may right lalo na at single sila pareho, pero awkward nga naman ito para kay McCoy. Kahit pa nanghingi ng permiso si Jameson kay McCoy ay talagang papayag naman ito dahil wala naman na silang relasyon ng aktres. Respeto lang sana bilang magkaibigan. Lalo na at may pinagsamahan sina Jameson at McCoy. Sa puntong ito, magiging mahirap para sa magkaibigan lalo na at nasa mundo sila ng showbiz at nasa iisang grupo.

MILDRED BACUD: Ang tanong, “sagutin naman kaya ni Elisse?” Huli nating nakausap ang aktres Kuya Rommel sa opening ng kanyang bar, ay hindi pa raw niya ito masasagot dahil gusto muna niyang mag-focus sa career. Pareho rin daw silang busy.

Kung sakaling manligaw naman, wala naman akong nakikitang mali. Basta ba seryoso si Jameson. Dapat lang patunayan niya na sincere ang intensyon nito.

At ‘wag na sana maranasan ni Elisse ang hindi kaaya-ayang naranasan nito nu’ng sila ni McCoy kung meron man.

RODEL FERNANDO: Naging topic nga namin ‘yan sa show namin na “Showbiz Pamore Tonite” nu’ng Friday. Dahil nga sa napapabalitang nililigawan ni Jameson si Elisse ay malabo na ngang magkabalikan ang huli at si McCoy.

At may nabalitaan nga kami na may napupusuan itong si McCoy na non-showbiz pero hanggang blind item muna at hindi pa kailangang i-reveal. Basta masaya raw ang binata sa bagong inspirasyon niya.

Sa totoo lang, okay lang na hindi na sila magkabalikan. Nagkalamat na rin ang kanilang samahan na pati nanay ni Elisse ay nadamay. Hindi nga ba’t natsismis na hindi naging maganda raw ang pakikitungo ni McCoy sa ina ni Elisse? Anyway, bagay naman sina Jameson at ang dalaga. Parehong matalino at mukha talagang swak sila sa isa’t isa.