Jamie may kanta sa Araw ng Manggagawa

NI: ROLDAN CASTRO

May tagalog version na si Jamie Rivera sa kanyang praise song na “Heal Our Land”—ang awiting “Hilumin Mo, Bayan Ko.” Ito’y para sa mga napanghihinaan ng loob, na ilulunsad kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Manggagawa ngayong Biyernes (May 1).

Nais ng Inspirational Diva na iparating ang mensahe ng ‘power of prayer’ sa mga Pilipino sa bagong bersyon ng awitin, lalo na ngayong may health crisis.
“Nakakahawa at malakas ang COVID-19. At natatakot tayo, kaya’t mahalaga ang dasal para sa proteksyon natin at paggaling ng ating bayan,” pagbabahagi ni Jamie.

Ayon sa premyadong singer-songwriter, mahalaga rin ang manalig at magpakababa para maghilom ang bansa mula sa matinding sakit.

“Habang inaawit natin ang dasal na ‘Hilumin Mo, Bayan Ko,’ sana’y maalala natin na hinihintay lang tayo ng Diyos na maging mapagkumbaba. Ang tanging dasal natin ay kapag tayo ay nagpakumbaba at umamin na kailangan natin Siya, hihilumin ng Diyos ang ating bayan,” aniya.