WILD FANGIRL ang tawag ni Janice de Belen sa sarili niya dahil sa labis na KAADIKAN niya sa Korean dramas and to almost everything Korean.

Mas naunang maadik sa K-pop ang kapatid niyang si Gelli de Belen, pero ngayon ay MAS MALALA na si Janice.

Bale 3 years na siyang BALIWAG sa Korean stars and drama series.

At hindi lang K-dramas ang pinapanood niya, pati variety shows at lahat na yata ng klase ng programa sa South Korea.

Bukod doon ay nanonood din siya ng YouTube videos at naghahanap ng BTS (behind the scenes) vids. Nagsi-save din siya ng YouTube videos na gusto niya.

Pati interviews sa paborito niyang Korean stars ay watch niya at pinipilit niyang intindihin.

Natatawang dayalog sa amin ni Janice, meron siyang Korean friends kung saan siya nagpapabili ng sandamakmak na K-magazines.

Kaya ang hirit sa kanya ni Gelli ay papunta na siya sa pagbili ng bahay sa Korea.

Nine years na nu’ng huling makipag-date ang pushing fifty nang si Janice (pero wala sa itsura niya na malapit na siyang mag-50-anyos).

In fairness ay marami siyang friends na gusto siyang ipakilala sa iba’t ibang guys, pero tumatanggi na siya.

“Kasi, feeling ko, kung para sa akin talaga ‘yon, kahit nakatago ako sa ilalim ng lamesa na ‘to, magkikita kami.

“If it’s my fate, it’s my fate. So far, parang ito ‘yung fate ko.

“Sabi nga ni Chanda Romero, sa Dwarfina pa ‘to, ha? The world will know if you’re ready,” bulalas ni Janice, na kasama sa cast ng upcoming Kapuso series na My Korean Jagiya.

Baka naman naghihintay siya ng kanyang Korean OPPA?

“Gusto ko superstar! Si Song Joong Ki!” sey niya sa amin, sabay pakita ng wallpaper sa iPhone niya na pic ni SJK.

Bet niya bang magka-boyfie na Koreano?

“Alam mo, type ko lang sila, kasi pinapanood ko sila sa mga K-drama. Hindi ko alam.

“Siyempre, kung si Song Joong Ki, bakit hindi, ‘di ba? Pero, Janice, huwag ilusyonada!

Ha! Ha! Ha!”

Ikakasal na ang #1 crush niyang si Song Joong Ki kay Song Hye Kyo sa October 31.

Ang next choice ni Janice na si Lee Soo Hyuk ay nasa military. Ang pangatlo na si Lee Min Ho ay nasa military rin at may GF na.

As in wala nang natira sa mga bet niya, so kailangan na niyang maghanap ng bago.

Medyo natatawang tsinika sa amin ni Janice na nu’ng araw na mabalitang ikakasal na si Song Joong Ki ay ang init ng ulo niya.

Sobra niyang kinainlaban si SJK sa Descendants of the Sun. Pati sa Instagram niya ay sinasabi niyang mahal niya si Song. Ang tawag niya rito ay SIMPLE HAPPINESS.

Kaya ganu’n na lang ang tuwa ni Janice nang malaman niyang kasama siya sa Fil-Korean romcom series na gagawin ng GMA.

Tiyahin ng bidang si Heart Evangelista ang role niya My Korean Jagiya.

Ani Janice, mababait lahat ang Korean stars na kasama nila sa show, sa pangunguna ni Alexander Lee.

Sa mga kuwentuhan nila ay nalaman niyang mas privileged pa pala ang mga artista natin dito.

Wala raw palang tent ang Korean actors sa taping or shooting, nasa car lang sila ‘pag ang shoot nila ay sa labas ng studio.

At bilang wild fangirl siya, lahat ng Korean co-stars nila sa My Korean Jagiya ay napanood na ni Janice sa iba’t ibang Korean shows.

“At hindi ako nahihiyang sabihin sa kanila na LULONG ako sa DROGANG ito! Ha! Ha! Ha!” tawa ng proud K-addict na si Janice.