Janice Jurado bumalik ang breast cancer, nasa stage 3 na

Muling humaharap sa bagong pagsubok si Janice Jurado. Tatlong beses na siyang nagkaroon ng cancer noon, nakaraos naman ang aktres at gumaling.

Sa eksklusibong pa­nayam namin kay Janice, ipinahayag ng aktres na last week lang ay na-diagnose siyang bumalik ang kanyang breast cancer at ito’y nasa stage 3 na.

“Iyong first cancer ko ay ‘yung sa colon, tapos ay inopera, pinutol iyong bituka ko. Ang second cancer ay iyong sa breast, tapos ay last ‘yung cervical cancer.

“Iyong sa breast ko, puro opera, pero hindi ako nagche-chemo, nine times na akong naope­rahan,” esplika ni Janice nang makapanayam namin sa presscon ng pelikulang ‘The Maid In London’ na pinagbibidahan nina Andi Eigenmann at Matt Evans.

Pahayag pa niya, “Every year ang check-up ko, kahapon, nagpa-check-up ulit ako at stage 3 daw ulit sa breast. Pero hindi ako naniniwala, hindi ako naniniwala…”

So, paano raw po ang gagawin sa inyo, ooperahan ulit? “Sabi… sabi ay mag-chemo raw ako. Eh no, hindi ako magche-chemo, magpapaopera ako, pero hindi ako magpapa-chemo. Kasi iyong operation, mas trust ko iyong doctor ko sa East Avenue Medical Center, kaysa sa chemo.

“Kasi ang chemo, pati iyong mga good cells mo ay naaapek­tuhan, iyon ang opinion ko ha, ewan ko sa iba.”

Nang nalaman na bumalik ang breast cancer niya, ano ang pumasok sa kanyang isip? “Wala naman… parang nanghina lang ako at nasabi ko (sa sarili ko), ‘Ano na naman ito, bakit na naman? Ano na naman ang problema ko?’ Sinusunod ko naman na huwag kainin ang mga bawal.”

Hindi ba siya nawawalan ng pag-asa dahil pang-ilang beses na siyang nagka-cancer?

Tugon niya, “Noon, muntik na akong bumigay, muntik ko nang tapusin ang buhay ko. Pumasok sa isip ko noon na mag-suicide, pero noon pa iyon, ngayon ay hindi na dahil sa mga anak ko. Dahil sabi nila na huwag akong bibitaw, dahil kapag bumitaw ako ay wala na, bibitaw na rin sila.

“Na-survive ko nga iyong ibang cancer, hindi ba? Kaya wala na sa isip ko ngayon iyang suicide.”

Nabanggit ni Ms. Janice na imbes panghinaan siya ng loob ay mas lumakas daw ang pananalig niya sa Diyos.

“Kaya kailangan kong lakasan ang loob ko, ng tulong ng mga kaibigan, sa mga taga-East Avenue, lagi nila akong sinasabihan na, ‘Relax, kaya mo iyan.’”

Ang ‘The Maid In London’ ay showing na sa July 4 ay mula sa pamamahala ni Direk Danni Ugali.