Good news! Dahil ang multi-awarded film na “Dagsin” (Gravity) ay shortlisted bilang entry sa 2020 Oscars. Aba syempre, ‘yan ay Pinoy pride.
Kabilang sa pelikulang ‘yan ay sina Janine Gutierrez at Benjamin Alvez at screenplay writer naman niyan ay si Anne-Prado Magadia na nag-anunsyo nga sa kanyang social media ng pagpili ng Film Academy of the Philippines (FAP) bilang potensyal na kinatawan ng bansa sa Academy Awards ng Hollywood.
Mas nakagagalak pa ito para sa buong produksyon ng naturang pelikula, lalo na sa direktor na si Atom Magadia na first time sumabak sa pagiging indie director.
Ang “Dagsin” ay entry sa Cinemalaya Film Fest noong 2016 na talaga nga namang pinalakpakan ng mga manunuod.
Deserving, ika nga ng mga fan na mapabilang sa shortlist ang pelikulang ito lalo na’t marami na rin napanalunan mula sa local hanggang international film festivals gaya ng Best Narrative Feature sa World’s Independent Film Fest sa San Francisco, US. Nanalo rin ito bilang Best Cinematography sa Europe Film Fest sa Italy, habang Best Costume Award naman ang inuwi ng pelikula mula sa Madrid Film Fest.
Kuwento ito ng isang sundalo na si Justino na nakaligtas sa Death March noong World War II kung saan nawala ang kanyang paa at nabubuhay nang nakakapit sa alaala ng kanyang asawa na si Corazon.
Ang gumanap bilang Justino ay ang beteranong aktor na si Tommy Abuel na naguwi ng apat na patimpalak dahil sa naturang role. ‘Yan nga ay European International Film Fest sa Italy, Los Angeles Philippine International Film Fest sa US at Film Development Council of the Philippines (FDCP).
Habang nagwagi naman bilang Best Actress sa Cameo Role Award mula sa Urduja Film Fest ang gumanap bilang Corazon na si Marita Zobel.
Hinirang naman si Janine Gutierrez na Best Supporting Actress noong 2017 sa Urduja Heritage Awards at na-nominate naman bilang Best Supporting Actress sa ika-40 na Gawad Uwian Awards.
Ibinahagi pa nga ni Gutierrez sa kanyang instagram kung gaano siya ka-proud bilang bahagi ng pelikulang “Dagsin”.
“(I) don’t really post articles but a proud little moment for our @cinemalaya film to be in the running and to be featured here. I’m behind whoever gets chosen. GO PHILIPPINES!!” masiglang pahayag ng aktres.
Kung papalarin ang “Dagsin” na matanggap ang final FAP nod, ito ang magiging entry o pambato ng bansa sa International Film Feature Category at sasabak sa iba pang pelikulang banyaga para sa nominasyon sa ika-92 Academy Awards sa February 9, 2020 sa Dolby Theatre sa Hollywood, Los Angeles, California.
(Athena Yap)