Janitor nangisay sa footbridge

Nangisay hanggang sa mamatay ang isang janitor nang aksidenteng makuryente ito sa isang footbridge malapit sa mall sa Quezon City.

Sa report ni PO2 Julius­ Raz ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) may hawak ng kaso, nagawa pang maitakbo sa ospital ang biktima na si Arnel­ Adapon y ­Bongca­wel,­­ 25, may asawa ng Block-6, Lot 3, Lemencia Village, Brgy. Bagbag ng nasabing lungsod, subalit hindi na rin ito umabot pa ng buhay.

Sa imbestigasyon ni PO2 Raz, nangyari ang insidente dakong alas-otso­ kamakalawa ng umaga sa footbridge na kumukunekta sa dalawang mall, ang Trinoma mall at SM North Edsa Mall sa Edsa na nasa kahabaan ng North Avenue, Brgy. Pagasa, Quezon City.

Ayon sa pahayag sa pulisya ng kasama ng biktima na hindi nagpabanggit ng pangalan, naglilinis silang dalawa ng biktima sa rooftop ng footbridge nang marinig niya ang isang malakas na pagsa­bog at nakita niya ang biktima na umano’y nakuryente na nakaluhod.

Sa takot na gapangan­ siya ng kuryete ay mabilis na hinubad nito ang nakakabit sa kanyang harness para sa kanyang kaligtasan saka humingi ng tulong sa kinauukulan.

Mabilis naman nagres­ponde ang ambulansya ng Bureau of Fire Protection (BFP) at isinugod ang biktima sa Quezon City Ge­neral Hospital, (QCGH) subalit idineklara din itong dead-on-arrival dahil sa grabeng pagkasunog.