Nanguna ang mga Japanese sa pag-inspeksiyon sa tibay at tatag ng San Juanico bridge, na pinakamahaba at pinakamataas na tulay sa bansa na nag-uugnay sa Samar at Leyte pati na rin sa Agas-Agas Bridge sa Southern Leyte na pawang nasa Eastern Visayas.

Ipinakita kamakailan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) Project Team sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang resulta sa unang drone inspection na isinagawa nila sa mga nabanggit na tulay.

Ayon kay DPWH-VIII Assistant Regional Director Eric Ayapana, ang bridge inspection ng drone technology ay bahagi ng JICA Technical Cooperation Project para sa pagpapaunlad ng kalidad ng highway at Bridge Cons­truction at Maintenance Phase III.

Sinabi naman ni JICA Project Team Leader and Bridge Expert Hideo Nagao na mas nakapagbibigay ng accurate data ang paggamit ng drone sa pag-iinspeksiyon sa mga tulay kumpara sa mano-manong pagsusuri.

Inaasahang sa buwan ng Pebrero ng 2019 ay ilalabas na ng JICA ang kanilang final assessment at evaluation para sa San Juanico at Agas-Agas Bridge.