Tinatayang aabot sa daang libong piso ang natangay ng apat na lalaking nangholdap sa loob ng isang Japanese restaurant sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Batay sa inisyal na im­bestigasyon ng Theft and Robbery Section ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-7:30 ng gabi nang mangyari ang panghoholdap sa Nomiya Izakaya na matatagpuan sa kanto ng Scout Tobias at Scout Lazcano St., Brgy. Laging Handa.

Tatlong lalaki umano na mga nakasuot pa ng helmet ang pumasok sa restaurant habang nagsilbing ‘lookout’ ang isa pa nilang kasamahan sa labas.

Tinutukan ng baril ng tatlong suspek ang mga naabutang kostumer ng restaurant at pinagbantaan na huwag sisigaw kung ayaw na masaktan o duguang bumulagta.

Dahil sa takot ay walang isa man sa mga kostumer ang nag-ingay o nanlaban habang nililimas ng mga holdaper ang kanilang mga dalang pera at iba pang gamit katulad ng mga cellphone.

Mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo pagkatapos makuha ang kanilang pakay.

Pero hindi pa nakuntento ang isa sa mga suspek at bumalik ito saka tinangay ang nakaparadang motorsiklo sa labas ng restaurant at ginamit sa kanyang pagtakas.

Nabatid na hindi pinakialaman ng mga holdaper ang kaha ng restaurant at ang mga kostumer lamang ang ninakawan.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang naganap na panghoholdap sa Japanese restaurant.