Sakripisyo ang pag­lalaro para sa Gilas. Bukod sa walang kapalit na yaman, nalalayo rin ang mga manlalaro sa kanilang mga mahal sa buhay, napapalitan ang bakasyon ng pawis at minsa’y dugo pa para sa Pilipinas.

Pero kahit pa hirap ang kapalit ng pagsalang sa national team, ‘di rin maiwasan ng karamihan na tumalima sakaling matawag ang kanilang pangalan, walang mas sasarap sa makapagbigay ng dangal para sa bansang sinilangan.

Ito ang sentimyento ng ilang long-time Gilas Pilipinas member, kasama na si Japeth Aguilar.

Ilang bersyon na rin ng Gilas ang napaglaruan ni Aguilar, nagsimula nang mapabilang sa pool noon pang 2010 sa unang programa ng PH team.

Ngayon ay sumasalang pa rin sa Nationals,­ kahit ang kapalit nito ay maunsyami ang mga sariling plano sa buhay pagpapamilya.

Noong Pebrero, kaka­balik lang ni Aguilar galing Kazakhstan para sa World Cup qualifiers, umuwi ito nang may sorpresa sa girlfriend na si Cassandra ‘Cassy’ Naidas, biglang lumuhod at nag-propose.

Sa edad na 32-anyos,­ puwedeng-puwede nang magpakasal si Aguilar, ngunit ‘di magawa dahil sa Gilas.

“If y’all are wondering­ ­why I keep tweeting about Gilas is cause Japeth & I have been wanting to get married & start a family but have been unable to due to his busy basketball schedule. So before people judge & bash, I wish they understood what these players sacrifice,” ayon kay Cassy.

Mahirap pagsabayin ang buhay may-asawa at national team duties, patunay si Castro na inuna ang Gilas, nagsilbi ng pitong taon, ngayon ay pagtutuunan na nang pansin ang pagbuo ng pamilya kasama si Mrs. Lyle Castro. (Ray Mark Patriarca)