Kung natapos ang PBA Governors Cup sa Game 3 nitong Linggo, malamang Finals MVP si Japeth Aguilar.
Sinamantala ni Aguilar ang maagang pagkawala ni Raymond Almazan para araruhin ang Meralco, nagpiyesta ang Ginebra forward/center sa paint sa magkabilang dulo ng court na nagresulta sa 94-82 win ng Gins tungo sa 2-1 series lead.
Humarabas si Aguilar ng 23 points mula 9 of 14 shooting, halimaw rin sa depensa sa nilistang 7 blocks.
“It was a block party out there,” susog ni coach Tim Cone sa postgame interview.
Lahat ng nagtangkang tumira sa kanyang harapan, hinabol niya para ibalik.
Sa harap ng 16,001 paying patrons sa Smart Araneta Coliseum, nilista ni Japeth ang career second best-tying blocks.
Ayon kay chief statistician Fidel Mangonon III, binasag ni Aguilar ang pagkakabuhol nila ni Alvin Patrimonio (576) sa No. 14 ng PBA all-time blocks list. Tumalon sa No. 12 ng listahan ang 6-foot-9 slotman, nilaktawan sina Abe King (580) at Edward ‘Poch’ Juinio (582).
“That’s one of his greatest skills. He’s got great timing, he gets off the floor quick,” dagdag ni Cone. “Of course, he’s long. You think you got the shot off, and he comes out of nowhere and does that.” (Vladi Eduarte)