May lockdown dahil sa coronavirus, hindi makalabas ng bahay si Japeth Aguilar.
Bawal ang gym, hindi rin makatodo ng workout.
Sa kitchen ng kanilang bahay muna siya naglalagi.
Sa halos tatlong buwan nang lockdown, may natutunang lutuin ang Barangay Ginebra center-forward – beef kaldereta.
Imagine ang 33-year-old, 6-foot-9 na si Japeth, hawak ang kawali at sandok, nasa harap ng kalan.
“Isang beses pa lang naman ‘yun, kasi ‘yung wife ko talaga ang nagluluto sa amin,” pahayag ni Japeth sa PBA Kamustahan podcast.
Mahilig – at masarap – talagang magluto ang mga tubong Pampanga na tulad niya.
“Recipe na ‘yun ng tatay ko,” aniya patungkol sa amang si Peter Aguilar na dati ring PBA player.
May thumbs up siyang natanggap mula sa asawang si Cassy.
“Pasado raw,” nangingiting pahayag ng five-time pro league champion.
Kung may nami-miss ang Gin King sa lockdown bukod sa basketball, ‘yun ang samahan nila ng Ginebra sa araw-araw na ensayo.
“’Yung mga daily routine, ‘yung gigising ka sa umaga, magpa-practice and after practice, magwo-workout,” aniya.
Mga maliliit na bagay na dating karaniwan niyang ginagawa, ngayon ay natigil dahil sa quarantine.
“Si coach Tim (Cone), nami-miss ko ‘yung paano siya magturo sa practice. Tapos minsan nagagalit siya sa amin,” panapos na pahayag niya.
Hindi pa naglalaro sa season ang Gin Kings, kinansela na ng PBA ang Philippine Cup noong March 11.
Sa mga susunod na araw kapag nagluwag na, puwede nang talikuran muna ni Japeth ang kitchen para tumakbo sa gym at umpisahan ang workout. (Vladi Eduarte)