Jarencio aligaga kay Anthony

Jarencio aligaga kay Anthony

Higit sa makakatapat na Rain or Shine sa quarterfinals ng PBA Philippine Cup, mas aligaga si NorthPort coach Pido Jarencio sa lagay ng kanyang masipag na forward na si Sean Anthony.

Inabot ng mild strain ang 33-anyos na Fil-Canadian sa 100-97 win sa Ginebra na nagselyo sa puwesto ng Batang Pier sa No. 7. Twice-to-win sila kontra Elasto Painters, pero kahit may handicap ay lalaban – mahalaga ay nakapasok sa playoffs.

“Our concern right now is Sean Anthony,” bungad ni Jarencio sa postgame news conference sa Smart Araneta Coliseum nitong Miyerkoles. “Sana maging healthy siya sa quarters.”

May ilang araw na bakante ang NorthPort bago ang quarters, sapat para matingnang maigi ang injury ni Anthony, nagsumite ng 19 points at 6 rebounds sa loob ng higit 30 minutes.

“Parang may pumitik sa groin niya eh,” dagdag ng coach. “Kaya hindi ko na ibinalik, ayaw na nating ma-aggravate ‘yung injury.”

Ayon kay Anthony, hinabol daw niya ang loose ball at nadulas.

“Pulled maybe or a strain in my maybe groin or hamstring area,” paliwanag niya. “Hopefully it’s nothing serious.” (Vladi Eduarte)