Jarencio kay Bolick: Anyare?

Hinahanap ni Pido Jaren­cio ang kamador niyang si Robert Bolick.

Dalawang araw bago magsimula ang 45th season ng PBA bukas, March 8, hindi pa aniya nakikita ng coach ang second-year guard.

Inabot ng season-ending ACL injury si Bolick sa Governors Cup noong October.

Inoperahan ang 6-foot-1 guard mula San Beda, nagpunta ng US habang nagpapa-rehab pero nakabalik na rin ng bansa.

Sinabi kahapon ng NorthPort coach na tumatawag naman si Bolick, baka aniya nasa Ormoc lang.

Hindi pa makakalaro sa all-Filipino ang 24-anyos na third pick overall ng Batang Pier noong 2018.

Posibleng July o August pa siya makabalik.

Pero may pahabol si Jarencio.

“Ang tanong nga kung magpapakita. Hindi pa siya nagpapakita sa amin eh,” anang mapagbirong coach.

Kahit sa ensayo ay wala ring paramdam ang Gilas player.

“Hey, paging Robert Bolick. Pakita ka sa amin sa practice ha?” panapos na sambit ng bench strategist ng Batang Pier. (Vladi Eduarte)