Gusto ng Kapuso actress na si Jasmine Curtis Smith na regaluhan nila ng sister niyang si Anne Curtis ng bagong kotse ang kanilang Mommy Carmen ngayong Pasko.

Ito ang dahilan kung bakit si Jas ay “nagpapakamatay” sa trabaho. Tanggap lang siya nang tanggap ng work as long as may dumarating, hangga’t kaya ng kanyang katawan at utak. “Work lang basta kaya,” katwiran ng 25-year-old Kapuso star.

Pinag-uusapan pa raw nila ni Anne kung paano ang set-up sa pagbili ng bagong sasakyan for their mommy. Hindi pa naman kasi sila nakapipili kung anong brand ng car ang bibilhin nila.

Samantala, excited si Jas sa bago niyang movie titled “Cara X Jagger”, na dinirek ni Ice Idanan at prinodyus ng APT Entertainment at Cignal TV.

First time na magkasama sa isang mainstream movie sina Jasmine at Ruru. Inamin ng dalaga na nagka-ilangan sila ng kanyang leading man sa set nu’ng aminin ni Ruru na crush niya ang aktres.

“Siyempre, may konting ilang-factor,” pagtatapat ni Jasmine, “kasi, I guess, kapag nalaman mo ‘yung ganu’ng bagay sa isang kasama mo, may ilang-factor na hindi maiwasan. “Ewan ko kung bakit pero na-overcome namin ‘yun kasi presence of mind din at du’n pa rin sa trabaho ‘yung focus namin.

“So nakalimutan namin na si Ruru siya at ako si Jasmine na umaarte lang kami. Ako, du’n naging komportable. Du’n nawala ‘yung ilang ko sa kanya. Eventually, nawala na rin talaga,” kuwento ng dalaga.

Sa ngayon, busy ang utol ni Anne sa taping ng Pinoy adaptation ng Korean drama na “Descendants of the Sun” (topbilled by Dingdong Dantes at Jennylyn Mercado) at promo ng “Cara X Jagger” na ipalalabas na sa November 6.

Pagbabu ng ‘FPJ’s Ang Probinsyano’ inaabangan

Kahapon, November 1, ay birthday ni Coco Martin, walang duda na isa sa pinakasikat na showbiz personalities of this generation.

Binabati ng diva that you love si Coco who has remained humble and level-headed kahit na sikat na sikat siya and much sought-after bilang product endorser.

Patuloy pa ring namamayagpag sa ere bilang numero unong show sa primetime ang “FPJ’s Ang Probinsyano”, na nasa ikaapat na taon na ngayon. Mula nang umere ang action-drama series na ito ni Coco ay never itong natinag sa pagiging number in terms of ratings and commercials.

Lahat ng shows na nakatapat ng programa ni Coco fell by the wayside. Walang nagawa ang mga ito. Patuloy ang mataas na rating ng “FPJ’s Ang Probinsyano”.

Ang lagi ngang inaabangan ng detractors ng show ay kung kailan ba magbababu sa ere ang show?

Bakit mo naman papatayin ang isang programa kung mataas ang rating at pinapasok ng endorsement? Panay rin ang panalo ng awards ng show.

Bilang pagdidiriwang ng kanyang kaarawan, nagkaroon si Coco ng charity event sa Philippine Children’s Medical Center on the eve of his birthday. Apat na taon na niya itong ginagawa para sa mga batang pasyente ng PCMC.

Nakatutuwa na despite his success ay may time to share si Coco sa mga batang nangangailangan.

Anytime now ay magiging busy ang aktor para sa promo ng filmfest entry niya na “Tripol Trobol: Huli Ka Balbon” kung saan kasama ni Coco sina Ai Ai delas Alas at Jennylyn Mercado.

Wagi sa QCinema int’l filmfest

Big winner ang “Babae at Baril”, co-production ng Cignal Entertainment at Epic Media, sa katatapos lamang na QCinema International Film Festival awards night na ginawa sa Novotel Araneta City sa Quezon City.

Nagwagi ito ng Best Director Award para kay Rae Red at Best Actress Award para kay Janine Gutierrez. Ito ang unang best actress award ni Janine.

Wagi rin ito ng award for Gender Sensitivity.

Ito ang biggest edition ng QC International Film Festival, na nagpalabas ng 70 films, kabilang ang mga bagong movies na nag-world premiere at mga critically-acclaimed films.