Hinirang ni Pangulong Rodrigo Duterte si retired Supreme Court (SC) Associate Justice Noel Tijam bilang ­academe representative sa Judicial and Bar Council (JBC).

Kinumpirma ito ng isang opisyal sa Malacañang na tumangging magpabanggit ng pangalan.

Si Tijam na ika-siyam sa most senior justice at ikalawang appointee ni Pangulong Rodrigo Duterte sa SC ay nagretiro noong Enero 5 sa edad na 70.

Siya rin ang nagponente o sumulat sa desisyon ng mga mahistrado ng SC na patalsikin si dating Chief Justice ­Maria Lourdes Sereno noong Mayo 2018.

Samantala, hinirang din ni ­Pangulong Duterte si Court of ­Appeals (CA) Justice Amy Lazaro-Javier bilang bagong mahistrado ng SC kapalit ni Tijam.

Kinumpirma ito ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa pamamagitan ng isang text message Miyerkoles ng hapon.

Sa kanyang interview sa JBC, sinabi ni Javier na hindi siya naniniwalang ka­laban ng mga babae si Pangulong Duterte bagkus ay nirerespeto at mahal aniya nito ang kanyang ina na siyang nagbigay sa kanya ng “unconditional love.”