Jawo agaw-eksena sa Game 1 Finals

‘Di pinalagpas ni dating Sen. Robert Jaworski Sr. ang Game 1 ng PBA Governors Cup Finals Martes ng gabi.

Kasama ni Big J ang 10,708 fans na sumaksi sa manipis na 91-87 win ng Ginebra kontra Meralco sa Smart Araneta Coliseum, ang arena na halos pinag-imprentahan na ng kanyang yapak noong naglalaro pa ng basketball.
May konek si Jawo sa magkatunggali.

Siya ang pasimuno ng Never Say Die spirit ng Ginebra na tinimunan niya bilang playing coach mula 1984 hanggang 1998. Siya ang arkitekto kaya naging pinaka-popular na ball club hanggang ngayon ang Gin Kings.
Bago nabuo ang PBA noong 1975, naglaro din siya sa Meralco noong 1968-71 sa panahon ng MICAA.

Dumating ng Big Dome ang Living Legend na naka-neutral colors, nakasuot ng sky blue long sleeves na tinupi ng isa. Tahimik lang siyang nanood, naupo sa courtside pero malayo sa benches ng Bolts at Kings.

Nagpaunlak ng selfies sa fans, nakipagkamay sa mga bata. Pangiti-ngiti lang si Jawo sa laro bago tahimik ding umalis pagkatapos.

Kabisado ni Norman Black ang history ng Meralco at ni Jawo na nag-kampeon sa MICAA. Sa 27 conferences sa PBA sapul nang bilhin ang prangkisa ng Sta. Lucia Realty, ‘di pa nagtataas ng championship ang Bolts.

Malakas ang impluwensiya ni Jawo kay Tim Cone.

“He’s been an influence in my life in terms of basketball since I was literally 11-12 years old,” wika ng two-time grand slam coach. “I followed his career all the way through and amazingly, I got to coach against him for many years.” (Vladi Eduarte)