May matatamaan umanong opisyal ng dati at kasalukuyang gobyerno kapag nagsalita na ang itinuturing na ‘hari ng Bilibid’ na si Jaybee Sebastian na nauna namang tinukoy ni Sen. Leila de Lima bilang isang ‘go­vernment asset.’

Sa panayam kay Atty. Eduardo Ariba, abogado ni Sebastian, na isa sa tatlong high-profile inmates na nasugatan sa naganap na kaguluhan sa New Bilibid Prison (NBP) kahit sa simula pa lamang ay nais nang ibunyag ng kanyang kliyente ang lahat ng nalalaman nito hinggil sa kalakan ng droga sa loob ng NBP at ma­ging sa labas ng bilibid.

Gayunpaman, mu­ling iginiit ni Atty. Ariba na ang pagbubunyag ni Sebastian ay gagawin lamang nito kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Aniya kung magsasalita ang kanyang kli­yente sa ginagawang imbestigasyon ng Kamara ukol sa droga sa NBP, may tatamaan ito sa kasalukuyan at dating admi­nistrasyon na ikakapahamak ng kanyang buhay.

Aniya pa, sa pagbubun­­yag ni Sebastian, ang mga testimonya ng naunang mga tumestigo sa imbestigasyon sa Kamara ay kakaiba sa sasabihin nito subalit higit na kapani-paniwala.

Sa ngayon aniya nasa mabuting kalagayan na si Sebastian matapos sumailalim sa minor surgery at nasa isang priba­dong silid sa Medical Center Muntinlupa.

Bukod kay Sebastian, nasugatan din sina Peter Co at Vicente Sy habang namatay naman si Tony Co.

Idinagdag pa ng abogado ni Jaybee na anumang araw o oras ay puwede nang kuhanan ng paha­yag ang kanyang kliyente.

“Infact any time today ay puwede na siyang kuhanan ng salaysay so naghihintay lang ako sa kondisyon niya at sa abiso ng kanyang doctor kung ito ay puwede na,” dagdag pa ni Atty. Ariba.

2 Responses