Walang duda, nakagawa na ng sariling puwesto si Jayson Castro sa mga astig sa PBA.
Ang TNT KaTropa na si Castro ang tinanghal na Best Player of the Conference ng Governors Cup kagabi, dumikit kay Hall of Famer Danny Ildefonso sa paramihan ng BPC awards.
Tinalo ng playmaker si big man June Mar Fajardo ng San Miguel Beer matapos ma-tabulate ang boto ng mga kinatawan ng liga, teams at media. Nakakuha si Castro ng 1,092 votes kumpara sa 857 ni Fajardo.
May limang BPC awards si Ildefonso, tig-apat sina Fajardo at Castro. Sa edad 30 lang, hindi malayong pantayan o lagpasan ni Castro si Danny I.
“Ako naman kasi every game gusto ko lang ibigay ang best ko and bahala na kung ano dumating,” ani Castro.
Hindi lang nakarating agad sa Big Dome si Castro dahil naipit ng trapik sa NLEX, kaya si Texters team manager Virgil Villavicencio ang tumanggap ng award mula kina PBA commissioner Chito Narvasa at board chairman Robert Non.
Pumangatlo si Terrence Romeo (558) ng GlobalPort, sunod si Commissioner’s Cup BPC Calvin Abueva (397) ng Alaska, at Stanley Pringle (396) ng Batang Pier.
Si Allen Durham ng Meralco ang sumikwat ng Best Import award, naungusan ang katunggali sa Finals na si Justin Brownlee ng Ginebra.